Si Reyna Kristeta

Si Reyna Kristeta
nagbahagi ng anekdota
hinggil sa ekta-ektaryang
lupain nilang Hacienda Luisita

Nirerespeto daw niya
at ng kaniyang pamilya
ang desisyon ng Korte Suprema’ng
nag-utos na ipamahagi na ang Hacienda
sa mga magsasaka

Tutal mabubuhay naman daw sila
kahit walang anim na libong ektaryang lupang
taniman ng tubo at asukarera;

Tutal kinaya naman daw nilang mabuhay
nang “agawin” daw sa kanila ang lahat
noong panahon ng diktadurya

Ah ganoon ba Reyna Kristeta?
Personally, wala ka namang problema?
Ano nga ba naman ang paki mo sa isyu ng Lusita,
e kaliwa’t-kanan ang endorsements mo
at naliligo ka sa pera?

Pero habang dinadaan mo sa tweet
ang pagbabale-wala sa desisyon ng Korte Suprema,
Naisip mo ba kung gaano ka-kriminal ang ginawang pangangamkam
ng iyong angkan sa Hacienda Lusisita?

Pera ng taumbayan ang ipinambili sa lupa,
ipinautang sa iyong angkan
sa garantyang ipamamahagi ito sa mga magsasaka
sa loob ng sampung taon.
E 1968 pa iyon!
Ano na bang taon na ngayon,
Ha, Reyna Kristeta?

Ano ba ang tinutukoy mong “suffering”
ng family ng iyong Mom?
E ilang taong pinahirapan
ang libo-libong mga Mom sa inyong Hacienda
dahil ang mga Dad doon ay P9.50 lang ang kita!

“Clearer picture” ba ika mo ang nais mong
aming makita?

Klaro nga. Klarong klaro.

Kasing klaro ng kapasyahan ng mga pesante
noong bisperas ng Rebolusyong Pranses
na ibagsak ang naghaharing monarkiya
at parusahan ang Hari pati na ang Reyna*

Ang Reynang iyon na kasing taklesa ng paborito nating
si Reyna Kristeta
ay minsan ding nag-‘tweet’ noon na “let them eat cake”
sa mga pesanteng nag-aaklas dahil sa kasalatan ng pagkain at katarungan.

“Wala na bang tinapay (bread)? Bakit hindi nalang cake ang kainin ng masa,”ang sagot ng Reyna sa nag-aaklas na madla.

Paglaon, ang Reynang iyon ay sinintensyahan
at pinugutan ng ulo ng taumbayan!

*Si Marie Antoinette ang Reyna ni Haring Louis XVI ng France. Pinatay siya, sa pamamagitan ng guillotine noong Oktubre 1793.

All-out inhustisya

Sa panahong napapatigalgal ka sa kawalan,
habang nilalabanan ang antok
o ang kagustuhang matulog…

Sa tuwing umiinit ang ulo
sa akusasyong mahilig ka raw mag-PSP…

‘Pag nahaharap sa salamin at hahawiin
ang natitirang buhok, para pogi ang dating
sa bago mong ka-date…

Pag-isipan din kung saang lupalop mo nahuhugot
ang lakas ng loob na manawagan ng
“all-out justice”…

Sapagkat hindi hustisya ang tawag sa digmang mapangwasak…
Takot at kamatayan ito para sa libo-libong mamamayang Morong nadadamay, napapalayas sa kanilang mga tahanan at lupang sakahan…

Todo-giyera itong nagkukubli sa slogang “all-out hustisya”!

Hustisya?
Kilabutan ka man lamang sana sa salitang hustisya..

Dahil wala pa ring hustisya
sa dugong dumanak sa paanan ng Mendiola,
noong panahon pa ng iyong Ina…

Dahil wala pa ring napapanagot sa mga pinaslang
na manggagawang bukid sa Hacienda ng iyong pamilya.

Dahil wala pa ring lupa ang mga “Boss” mong
naturingang “stock holder” pero walang makain sa mesa…

Dahil ang masa’y naliligo pa rin sa dagat ng inhustisya!

 


Daang Matuwid?

President Noynoy Aquino: “Kayo ang boss ko”

Justice for the Hacienda Luisita Martyrs!

In the afternoon of November 16, four years ago, armed agents of the state carried out a brutal massacre of 14 striking farm workers including women and children in the sprawling sugar plantation, Hacienda Luisita. Aside from those dead, more than 200 were also wounded during the incident.

I wrote this poem a day after the massacre.

Ang alamat ng pulang asukal

May tatamis pa ba sa asukal na pula,

na ipinunla ng bisig ng mga

magsasaka?


Pinanday ang tamis

sa loob ng asukarera

ng mga manggagawang

ka-alyado nila.


Sa Hacienda Pilipinas

ang lupa ay tigib,

sa yamang likas

at biyayang hatid.


Na siya namang kinislot

at saka ikinahon;

ng mga sa lupa’y palalo

at mga panginoon.


Tinuring na busabos

ang mga kamay na bumubungkal,

sa Hacienda sila’y prinenda

sa ngalan ng kapital.


Nilukuban ng sumpa

ang taniman ng tubo;

at tumubo mula rito

ang nagbabadyang delubyo.


Natuto ang mga api

na diligin ng dugo,

ang lupang kinamkam

ng mga palalo.


Sa talas ng karit

at talim ng asarol,

binungkal ang lupa

at tinanim ang pagbabangon.


Pula ang resulta

Ng binhing ipinunla,

Pula ang asukal!

Pula rin ang dagta!


Wala na ngang tatamis pa sa asukal na pula,

na ipinunla ng bisig ng mga magsasaka.


Pinanday ang tamis

sa loob ng asukarera,

ng mga manggagawang

ka-alyado nila.


Sapagkat sa tanglaw at taliba

ng uring manggagawa

susulong ang magsasaka

sa ganap na paglaya!

Paglaon ang taniman ng tubo’y magiging sementeryo.

Libingan ng tanikala ng mga api noon,

at puntod ng mga dating panginoon!