Hindi ka pala maglilinis ng pilak

Hindi ka pala maglilinis ng pilak,
mamamaalam ka na pala
sa binubuo mong mga pangarap

Sa mura mong edad
‘pinamukha sa’yo ang kasuka-sukang reyalidad
na kahit ang karapatan ng mga kabataang
mag-aral, matuto, ay may bayad…

Mahal.

Hindi ka pala maglilinis ng pilak, Kristel,
gigisingin mo pala ang buong bayan
sa karumaldumal na katotohanang
ipinagkakait ng lipunan
sa mga kabataang tulad mo
ang kanilang kinabukasan

Pag-iisahin mo pala ang damdamin
ng mga mamamayang magpuyos
sa edukasyong walang kahihiyang
ginagawang negosyo ng iilan

Yuyugyugin mo pala ang pundasyon
ng pinakamamahal mong Pamantasan,
kakatukin mo sa bumbunan ng mga nasa poder ng kapangyarihan,
para matauhan sila sa kabulukan ng kanilang mga patakaran

Hindi ka pala maglilinis ng pilak,
mag-aambag ka pala sa ultimong pagkintab
ng kinabukasan ng mga kabataang
iyong naiwan

 

kristel

 

Si Lucy sa alapaap, may mga diyamante

Nahuli ako sa pagpasok ko sa opisina kahapon, Lucy.

Kasi naman, usad pagong ang andar ng tren. Nanakit pa nga ang likod ko, nangalay ang binti’t braso sa tagal kong nakatayo sa siksikang bagon.

Hindi tuloy maiwasang maglabasan ang inis at init ng ulo ng maseselang pasahero na nakasakay ko sa tren kahapon. May nagreklamong ginawa na daw siyang sandalan ng isang Mama, may isang matandang babae na biglang nagsisigaw dahil naiipit na siya ng mga lalaking nakakuha ng puwesto malapit sa pinto.

Halos umapaw  na sa tao ang lahat ng madaanan naming istasyon ng LRT, Lucy. ‘Yun pala, hanggang Gil Puyat lang daw ang biyahe ng mga tren! Sunod sunod nga ang paghingi ng paumanhin ng drayber sa maya’t mayang pagtigil dahil mayroon pang tren sa unahan.

Nalaman ko lang ang dahilan kung bakit ang bagal ng operasyon ng LRT nang marinig ko ang katabi kong babae na may kausap sa telepono, boyfriend niya yata. “May nagpakamatay daw, nagpasagasa sa tren,” galit na sabi ng dalaga, sabay dagdag ng, “Letse, yan… Sana sa Tuesday na lang siya nagpakamatay para off ko!”

Parang ayaw ko pa ngang maniwala non, kaya nag-text pa ako sa kaopisina ko kung totoo ngang may nagpakamatay. Oo nga daw, at alas-singko y medya pa daw nangyari. Pasado alas-nuebe na rin nang makarating ang sinasakyan kong tren sa Carriedo Station hirap na hirap pa nga akong lumabas, sa dami ng tao

Ikaw pala yung tumalon sa riles at nagpasagasa sa paparating na tren, Lucy.

Siguro hindi mo nabasa ‘yung iniulat ng gubyerno na tumaas daw ng 5.9% ang ekonomiya ng bansa. Maintindihan mo kaya ‘yung pinagyabang na “ good macroeconomic fundamentals” ng Bangko Sentral? Aayon ka kaya na bansag na “Asia’s bright spot” na raw ang Pilipinas pagdating ekonomiya?

Lucy, alam mo bang nag-tweet pa ang pinuno ng LRTA na naka-pajama ka lang at parang hospital gown daw ang iyong suot? Siguro kasi may iniinda kang tumor sa kaliwang bahagi ng iyong mukha…

Siguro aligaga ka kung saang kamay ng Diyos mo kakamutin ang panggastos sa pagpapa-opera…
Siguro napilitan kang tumakas sa ospital sa mahal ng bayarin…
Siguro hindi mo na nakayanan ang sobrang kahirapan…

Ewan.
Siguro nga.
Malamang…

Pero hindi bale Lucy, nasa alapaap ka na ngayon
Diyan, hindi mo na poproblemahin ang sakit mo
Hindi ka na magugutom, hindi ka na mahihirapan

Inihatid ka na ng ‘tren’ sa alapaap, Lucy
Maisusuot mo na rin ang mga pangarap mong diyamante…

Paalam.

Picture yourself on a train in a station,
With plasticine porters with looking glass ties,
Suddenly someone is there at the turnstile,
The girl with kaleidoscope eyes
– Lucy in the sky with diamonds, The Beatles

Blame the victims

I just received instructions from the President that if push comes to shove, we will have to blast these houses – Department of Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson

For stubbornly insisting
on calling the rivers
and waterways their homes,
blame them for their misfortunes!

For being subjected
to flood waters as high as houses,
and being stripped off their
worldly belongings,
scores lost their lives,
as incessant rains poured
from the heavens for weeks on end,
blame them for their misfortunes!

For refusing
to be ‘rescued’ from their inundated houses
only to be hauled to pigsties they call
‘evacuation centers’ ,
blame them for their misfortunes!

For having to line up for hours,
clothes wet and ankle deep in muck and mud,
for food and water rations courtesy
of shameless and vote hungry politicians,
blame them for their misfortunes!

For refusing
to leave their houses,
the roof above their heads,
however deplorable and dangerous;
for insisting to hang on to their homes
because society failed to provide them
with this very basic human necessity,
blast their houses if necessary,
then blame them for their misfortunes!

Photo grabbed from Facebook

Spittin’ on sovereignty. More fun in the Philippines

Kayong mga walang alam sa kasaysayan

Mangmang sa kasaysayan
ang sinumang maniwalang
mapipigilan ang pagdaluyong,
ang pananagumpay,
ng paglaban
ng aping mamamayan

Ang mga estrelya sa balikat
ng mga nagtataasang Heneral,
ang mga armas pandigma
ng pasistang militar,
ay yuyuko sa kayang itumbas
ng taumbayang hindi na
nakadarama ng takot,
ng taumbayang hindi na alam
kung ano ang ibig sabihin ng hirap
at pasakit sa pakikihamok;
dahil inari na nilang
kataas-taasang tungkulin
ang pagtatanggol
sa laya nilang
malaon nang ginupo

Ano’ng panama
ng pasistang may baril
sa magsasakang
karit lamang ang bitbit?
Kung ang karit namang ito
ay mabisang ginagamit
hindi lamang sa panamin,
lalo’t higit,
sa paggapas sa ulo
ng mga palalong magkakait
sa kanila ng katarungan,
kung kinakailangan

Ano’ng saysay ng ‘bullet proof vest’
kung hindi mo man lang makita,
ni mamalayan ang dahilan
kung bakit mo ito suot?
dahil ang tunay na hukbo ng mamamayan
ay parang mga hunyangong
humahalo sa paligid ng kaparangan,
sa sukal ng mga kagubatan,
maging sa mga larangan ng labanan,
dahil wala nang mas mabisang ‘bullet proof vest’
kundi ang wagas na pagmamahal
ng masang pinagsisilbihan

Kaya’t kayong mga mangmang sa kasaysayan
nararapat lamang na matuto
sa mga maningning na aral
ni Bonifacio, ni Ho Chi Minh, ni Mao Ze Dong –
kakapit-bisig ang mga mamamayan
sila’y nagpaluhod, nagpalayas,
sa naglalakihang mga pasistang hukbo’t mga emperyo

Ano pa’t ampaw
ang ipinagmamalaki ninyong
mga ‘kontra-insurhensyang’ operasyon.
Nagawa ba nitong maampat man lamang
ang paglagablab ng deka-dekada nang
makatwirang digmang mapagpalaya?

Sa tuwing mangdudukot o papatay
kayo ng inosenteng walang kalaban-laban,
nadadagdagan ba ang inyong kapangyarihan,
o mas lalo lang humuhulas ang katangian ninyong
mga nag-komoplaheng halimaw?

Nanininiwala pa rin ba kayong
kayang ikubli sa ngalang ‘bayanihan’
ang inyong terorismo?

Kung gayon, mamangha kayo sa di mapigil-pigilang agos
ng mga bagong dugo sa rebolusyon!
Mangatal kayo sa pagpula ng mga nayon!

At bago kayo matauhan sa kasaysayang
matagal na ninyong kinukutya’t dinuduraan,
tapos nang likhain ng mga mamamayan
ang sarili nilang kasaysayan!

Huthot piga

Pagpasensyahan niyo na po
ang ating gubyerno
dito kasi, walang trabaho,
walang makain ang maraming tao

E ‘bayani’ nga kayo ‘diba?
Kung hindi nga dahil sa
perang padala ninyo,
ang ekonomiya natin ay guguho,
siyempre, kasamang maglalaho
pati ang gubyerno –

‘Yung parehong gubyernong
walang tigil sa kaiisip ng mga pakulo
para lalo pa kayong huthutan;
‘yung mga masisibang walang kabusugan,
hangga’t hindi nasasaid
ang pera niyong pinaghirapan;
‘yung mga buwitreng walang kapaguran
hangga’t hindi nasasakmal
ang lahat ng inyong laman;
‘yung mga lintang walang pagkakuntento
hangga’t hindi napipiga ang
kahuli-hulihang patak
ng inyong dugo…

Kaya, ‘wag na kayong magreklamo
kayo na po ang bahalang magpasensya
sa ating gubyerno

Si Mokong at si Sidekick

Pumihit ang Mokong,
tumingin pa-Silangan
nang maubusan na
ng palusot
para mahuthot
ang langis at yaman
sa Hilagang Aprika
at Gitnang Silangan…

Nakahanap ng Sidekick
sa bahaging ito ng Pacific,
ang Mokong
na atat na namang
mandambong…

Animo’y ‘tagapagligtas’
kung ipostura;
Ipagtatanggol daw
tayo sa China,
pambibida ni Sidekick
tungkol sa kaniyang Amo…

Kaya’t bukas kamay
daw nating
salubungin
ang paparating na hukbo
ng kaniyang bossing

Patuluyin daw natin
ng buong giliw
sa ating mga bakuran,
sa loob ng ating mga tahanan
ang solusyon, ayon kay Sidekick,
sa nagbabantang panganib
na idudulot ng ‘halimaw’ na ‘Intsik’

E sa atin daw ang ‘Panatag’
kaya naman dapat tayong mapanatag,
huwag ikabahala
ang nagbabadyang build up
ng mga barkong pandigma
sa ating karagatan,
at ‘diplomasya’, nga pala,
ang tawag nila diyan…

Diplomasya ng kanyon –
Kanyon na itututok sa ating mga bumbunan,
isusuro sa ating mga puwitan;
habang ginagawang panibagong Iraq at Afghanistan
ang ating mahal na bayan…

Teka, hindi ba’t tayo na ang naunang Vietnam?
Kailan nga ba tayo matatauhan!