Cubao.Ex

Meet me tonight,
so I can spill my guts
at the table, full of beer bottles,
empty, just like myself;

So I can explain the long and short
of the story, muddled,
like the various versions of me
you’ve heard a countless times;

Meet me tonight,
so that I may recount
what I had to endure
to deserve whatever feelings
you hold for me;

So that I could tell you that
I may have looked the other way,
I still am drawn towards you…

Or am I too late?

cubao

Aftershock

Hindi pa rin tapos
ang serye ng mga aftershocks,
pagkatapos ng lindol
na nagmula sa
anterior ng vertebral column
at posterior ng sternum

Kinulang yata
ang papel at tinta
ng seismograph
sa tindi ng yugyog

Malamang ay hindi naapuhap
ni Charles Richter na
maaaring lumampas
sa iskala ang lakas
ng pag-uga

Mataas at malakas
ang tsunami na idinulot
ngunit wala itong nalunod, nalubog
na mga ala-ala at paalala

Malakas din ang
naganap na pagyanig
ngunit wala itong ibinuwal
na mga istrukturang
nagpapaalala sa mga ala-ala

Walang sinabi ang yanig,
walang sinabi ang rumagasang tubig
at inaalmusal na lamang ngayon ang mga aftershocks

Si Lucy sa alapaap, may mga diyamante

Nahuli ako sa pagpasok ko sa opisina kahapon, Lucy.

Kasi naman, usad pagong ang andar ng tren. Nanakit pa nga ang likod ko, nangalay ang binti’t braso sa tagal kong nakatayo sa siksikang bagon.

Hindi tuloy maiwasang maglabasan ang inis at init ng ulo ng maseselang pasahero na nakasakay ko sa tren kahapon. May nagreklamong ginawa na daw siyang sandalan ng isang Mama, may isang matandang babae na biglang nagsisigaw dahil naiipit na siya ng mga lalaking nakakuha ng puwesto malapit sa pinto.

Halos umapaw  na sa tao ang lahat ng madaanan naming istasyon ng LRT, Lucy. ‘Yun pala, hanggang Gil Puyat lang daw ang biyahe ng mga tren! Sunod sunod nga ang paghingi ng paumanhin ng drayber sa maya’t mayang pagtigil dahil mayroon pang tren sa unahan.

Nalaman ko lang ang dahilan kung bakit ang bagal ng operasyon ng LRT nang marinig ko ang katabi kong babae na may kausap sa telepono, boyfriend niya yata. “May nagpakamatay daw, nagpasagasa sa tren,” galit na sabi ng dalaga, sabay dagdag ng, “Letse, yan… Sana sa Tuesday na lang siya nagpakamatay para off ko!”

Parang ayaw ko pa ngang maniwala non, kaya nag-text pa ako sa kaopisina ko kung totoo ngang may nagpakamatay. Oo nga daw, at alas-singko y medya pa daw nangyari. Pasado alas-nuebe na rin nang makarating ang sinasakyan kong tren sa Carriedo Station hirap na hirap pa nga akong lumabas, sa dami ng tao

Ikaw pala yung tumalon sa riles at nagpasagasa sa paparating na tren, Lucy.

Siguro hindi mo nabasa ‘yung iniulat ng gubyerno na tumaas daw ng 5.9% ang ekonomiya ng bansa. Maintindihan mo kaya ‘yung pinagyabang na “ good macroeconomic fundamentals” ng Bangko Sentral? Aayon ka kaya na bansag na “Asia’s bright spot” na raw ang Pilipinas pagdating ekonomiya?

Lucy, alam mo bang nag-tweet pa ang pinuno ng LRTA na naka-pajama ka lang at parang hospital gown daw ang iyong suot? Siguro kasi may iniinda kang tumor sa kaliwang bahagi ng iyong mukha…

Siguro aligaga ka kung saang kamay ng Diyos mo kakamutin ang panggastos sa pagpapa-opera…
Siguro napilitan kang tumakas sa ospital sa mahal ng bayarin…
Siguro hindi mo na nakayanan ang sobrang kahirapan…

Ewan.
Siguro nga.
Malamang…

Pero hindi bale Lucy, nasa alapaap ka na ngayon
Diyan, hindi mo na poproblemahin ang sakit mo
Hindi ka na magugutom, hindi ka na mahihirapan

Inihatid ka na ng ‘tren’ sa alapaap, Lucy
Maisusuot mo na rin ang mga pangarap mong diyamante…

Paalam.

Picture yourself on a train in a station,
With plasticine porters with looking glass ties,
Suddenly someone is there at the turnstile,
The girl with kaleidoscope eyes
– Lucy in the sky with diamonds, The Beatles

Bangkang papel, sa paglaho…

Parang bangkang papel
na pinatianod sa batis,
ang iyong nakaraan

Binitawan man,
bakit pilit mo pa ring hinahatid ng tanaw –
mapatid man ang leeg –
ang bangkang papel
na
paliit
na
ng paliit,
habang
palayo
ito
ng
palayo?

Matagal na nang matutunan mo siyang bitawan,
ngunit ngayon mo lamang ba nalalaman
na nakalampas na sa iyo
ang iyong nakaraan?

Tulad ng bangkang papel
na pinatianod sa batis,
paliit
na
ng paliit,
palayo
na ng
palayo –
dudulo din ito
sa paglaho

Hindi lamang pusa ang kayang patayin ni ‘Curiosity’

Rumaragasa ang debate
sa usapin ng RH-Bill,
habang palapit nang palapit
ang isang toneladang
laboratoryong-robot
na si ‘Curiosity’ sa Planetang Mars…

Sa panahong talak nang talak
ang mga kapita-pitagang Obispo
na labag sa salita ng ‘Diyos’
ang karapatan sa pagpili ng mga kababaihan,
kung paano pamumunuan
ang sariling matris, ang sariling katawan;
palapit na nang palapit
ang nilikha ng tao na maaaring magpatunay
na hindi ang itinatalak na ‘Diyos’ ng mga Obispo
ang lumikha sa Tao, sa Buhay, sa Mundo,
sa loob lamang ng isang Linggo

Sa huli, hindi lamang pusa
ang kayang patayin ni ‘Curiosity’

Night Drifter

I drift
aimlessly
in the dead
of night

Counting
each lamp post,
the blinding glare
of headlights;

And even
as kilometer posts
zoom past,
even as the numbers
on my speedometer wall
tick fast;

I always end up
staring at roadsigns
that read:
No you haven’t arrived

And so I drift still…

OFW at IMF

“We have a substantial number of OCWs (overseas contract workers) and we have to protect… It’s in our interest to protect–to help those economies because we have a substantial number of Filipinos there,” Edwin Lacierda, on defending the $1B loan to IMF

 

Bakit tayo may OFW?
Kasi may IMF –
na imperyalistang instrumento
para gipitin ang mga hutuhutang
kolonya at mala-kolonya –
‘gaya ng Pilipinas.

Pilipinas
na magpapautang pa ngayon
ng $1B sa IMF.
Pang-tulong din daw ito sa mga OFW,
sa mga nasyong apektado
ng krisis at resesyon – na
niluwal din naman ng mga
baluktot na polisiya’t imposisyon
ng IMF!

Isang bilyon itong
kontribusyon, pang-bayad
sa lubid na siyang ipang-bibigti natin
sa sarili nating mga leeg!
Isang bilyon itong sampal
sa mukha ng naghihirap
at pinahihirapang si Juan dela Cruz!