Si Lucy sa alapaap, may mga diyamante

Nahuli ako sa pagpasok ko sa opisina kahapon, Lucy.

Kasi naman, usad pagong ang andar ng tren. Nanakit pa nga ang likod ko, nangalay ang binti’t braso sa tagal kong nakatayo sa siksikang bagon.

Hindi tuloy maiwasang maglabasan ang inis at init ng ulo ng maseselang pasahero na nakasakay ko sa tren kahapon. May nagreklamong ginawa na daw siyang sandalan ng isang Mama, may isang matandang babae na biglang nagsisigaw dahil naiipit na siya ng mga lalaking nakakuha ng puwesto malapit sa pinto.

Halos umapaw  na sa tao ang lahat ng madaanan naming istasyon ng LRT, Lucy. ‘Yun pala, hanggang Gil Puyat lang daw ang biyahe ng mga tren! Sunod sunod nga ang paghingi ng paumanhin ng drayber sa maya’t mayang pagtigil dahil mayroon pang tren sa unahan.

Nalaman ko lang ang dahilan kung bakit ang bagal ng operasyon ng LRT nang marinig ko ang katabi kong babae na may kausap sa telepono, boyfriend niya yata. “May nagpakamatay daw, nagpasagasa sa tren,” galit na sabi ng dalaga, sabay dagdag ng, “Letse, yan… Sana sa Tuesday na lang siya nagpakamatay para off ko!”

Parang ayaw ko pa ngang maniwala non, kaya nag-text pa ako sa kaopisina ko kung totoo ngang may nagpakamatay. Oo nga daw, at alas-singko y medya pa daw nangyari. Pasado alas-nuebe na rin nang makarating ang sinasakyan kong tren sa Carriedo Station hirap na hirap pa nga akong lumabas, sa dami ng tao

Ikaw pala yung tumalon sa riles at nagpasagasa sa paparating na tren, Lucy.

Siguro hindi mo nabasa ‘yung iniulat ng gubyerno na tumaas daw ng 5.9% ang ekonomiya ng bansa. Maintindihan mo kaya ‘yung pinagyabang na “ good macroeconomic fundamentals” ng Bangko Sentral? Aayon ka kaya na bansag na “Asia’s bright spot” na raw ang Pilipinas pagdating ekonomiya?

Lucy, alam mo bang nag-tweet pa ang pinuno ng LRTA na naka-pajama ka lang at parang hospital gown daw ang iyong suot? Siguro kasi may iniinda kang tumor sa kaliwang bahagi ng iyong mukha…

Siguro aligaga ka kung saang kamay ng Diyos mo kakamutin ang panggastos sa pagpapa-opera…
Siguro napilitan kang tumakas sa ospital sa mahal ng bayarin…
Siguro hindi mo na nakayanan ang sobrang kahirapan…

Ewan.
Siguro nga.
Malamang…

Pero hindi bale Lucy, nasa alapaap ka na ngayon
Diyan, hindi mo na poproblemahin ang sakit mo
Hindi ka na magugutom, hindi ka na mahihirapan

Inihatid ka na ng ‘tren’ sa alapaap, Lucy
Maisusuot mo na rin ang mga pangarap mong diyamante…

Paalam.

Picture yourself on a train in a station,
With plasticine porters with looking glass ties,
Suddenly someone is there at the turnstile,
The girl with kaleidoscope eyes
– Lucy in the sky with diamonds, The Beatles

Leave a comment

No comments yet.

Comments RSS TrackBack Identifier URI

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s