Hari ng Padala

“But of course you have to remit bigger so as to avail of lower charges,” PNoy

Sa harap ng mga Pinoy sa Japan,
sumubok magpa-bibo ang Pangulo:
“Alam ba ninyong may programa ang gubyerno
para pababain ang singil sa perang padala ninyo?”

Kaya laking gulat na lamang nito
nang ang isagot ng mga Pilipinong naka-tipon,
ay isang tumataginting na “NO!”

“Ha? Hindi ninyo alam? Baka kulang lang sa abiso,”
palusot pa ng feeling bibo…
Sabay dagdag na may usapan pa nga raw
ang Land Bank ng Pilipinas at Postal Bank ng Japan
para sa mas mababang kaltas nito..

“Tama po ba ‘yon?,”
tanong ulit ng Pangulo…
Na siya namang sinagot ng kakarampot at tila pilit-na pilit na “Opo”

“Kasi naman, unawa ko na kailangan niyong
makatipid sa padala ninyong pera sa pamilya..
Para sa pag-aaral ng inyong mga anak,
sa pagpapagawa sa inyong dream house..’

“Etcetera… Etcetera… Etcetera”

Kaya kung gusto ng mga OFW na maka-bawas sa kaltas
sa pinapadalang pera sa pamilya,heto ang maipapayo niya:

“Dagdagan pa po ninyo ang perang padala!”

Teka.. Teka.. Teka..
Ano na nga ulit ang ibinandong programa ng Hari ng Padala?

Sa mga gabing unat

Hahaba at lalamig na raw ang mga gabi
sapagkat papalapit na raw ang Haring Araw
sa “Celestial Equator”

Mangyayari raw ito pagkatapos ng kaganapang
kung tawagin ay “autumnal equinox,”
kung kailan magpapantay ang haba ng araw at ng gabi
saan mang lupalop ng daigdig

Uunat na ang mga gabi matapos ito…

Tila nang-aasar, sasabay pa ang bugso
ng simoy ng Hilagang-Silangang Habagat,
kaya’t ang mga mahahabang gabi ay sasaliwan na rin
ng malamig na panahon…

Aahhh… Panahon…

Panahon para ihanda ang mga kumot…
Panahon para tumanaw sa maiinit na mga yakapan…
Sa mga yugtong kakailanganin mong ipahiram ang iyong jacket o balabal sa kasintahan o asawang giniginaw…

Aahhh… Panahon nga naman…

Parang kailan lang simula nang magtapos ang aking ‘autumnal equinox’
Sa wakas, parating na rin sila…

Overpriced ang petrolyo sa ‘tuwid’ na daan

Salamat sa KM64

Kami pa ang inutil? (Isang upisyal ng Embahada habang kausap ang sarili)

Sobra naman sila!
Paano naman nila nasabing walang konsyensya
ang mga upisyal ng embahada sa Saudi Arabia?
Porke ba hindi man lamang namin inasikaso ng husto
ang kaso ng pagkamatay ng kababayan nating
si Romilyn Ibanez sa Al-Khobar?

Maliwanang namang ‘suicide’ ang nangyari!
Tama ang mga otoridad na nag-imbestiga.
Nagpatiwakal si Romilyn sa pamamagitan
ng pagsaksak sa sarili ng paulit-ulit.
Sa leeg, sa sikmura at sa braso…
Sa leeg, sa sikmura at sa braso…

At para daw sigurado,
nilaklak pa ni Romilyn
ang halos isang konteyner ng sulfuric acid.
Kaya nga may mga paso siya ng asido sa bibig.
Ngayon anong ‘foul-play’ ang sinasabi nila?

Tapos sasabihin pa nilang inutil ang Embahada, ang gubyerno?
Eh tutok na tutok nga kami sa kaso ni Romilyn…
Sa katunayan, eksaktong isang taon lang naman ang binilang
para maiuwi ang mga labi ni Romilyn sa kaniyang pamilya…
Ang iba nga, nabubulok na lang sa mga freezer sa mga morgue rito  sa katagalan..

Sila pa ang may ganang mag-reklamo…
Wala na raw mata at dila si Romilyn
nung dumating ang bangkay niya sa kaniyang pamilya nitong nakaraan.

Tsk tsk tsk…

Hindi ba nila naiisip na pupwede namang,
pagkatapos pagsasaksakin ang sarili
at lantakan ang halos isang konteyner ng sulfuric acid,
ay tinungkab pa ni Romilyn ang kaniyang mata,
habang tinatabas ang sariling dila?

Tapos sasabihan nila kaming inutil!

Links:

Philippine Daily Inquirer: OFW’s remains repatriated; tongue, eye missing

Photo from Migrante-Middle East