May good news ba?

Sa tuwing magbubukas ako ng Facebook, madalas akong nakakatanggap ng mga mensaheng ganito. Galing sa mga kasamahan nating mga empleyado ng COMELEC sa field ang mga katanungan.

Marami-rami rin kasi akong friends sa Facebook na empleyado ng COMELEC mula sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas. Mga kapwa rin sila kasapi sa ating unyon.

Dangan kasi, sa mga empleyado na nasa Main Office sila kadalasang kumukuha ng impormasyon tungkol sa mga kaganapan sa COMELEC, lalo’t higit pagdating sa mga benepisyo.

Bulong-bulungan pa lang, sagap na agad ng mga kasamahan natin sa field. “Mayroon daw tayong tatanggapin? Totoo ba?”

Hindi ko masisi ang mga kasamahan natin sa field kung sila man ay maghanap ng ‘good news’ sa mga kapwa nila empleyado na narito sa Maynila. Walang masama sa tanong, kumbaga. Sa hirap ba naman ng buhay ngayon eh, kahit bali-balita pa lang ng “biyaya” ay tila musika na sa tainga nating mga empleyado.

Hindi na nga sumasapat ang sahod ng mga manggagawa sa sektor publiko dahil sa walang puknat na pagtaas ng presyo, napako na at napag-iwanan pa ang sistema ng pasahod dito sa COMELEC.

Ang isang Clerk I sa COMELEC may Salary Grade 3 lamang. Samantalang sa ibang ahensya ng gobyerno, ang isang Clerk I ay naglalaro na ang Salary Grade sa 7 hanggang 9.

Ang pinaka-mababang sweldo nga sa ating ahensiya ay lagpas lamang ng kapiranggot sa Walong Libong Piso (P8,000). Huwag nang ipagpa-salamat ang “increase” kuno noong Hunyo,  “nadagdagan” lamang ito ng kaunti mula sa dating P7,500!

Insultong malinaw dahil kung pag-aaralan ang “salary adjustment” na dala nang ikatlong tranche ng Salary Standardization Law (SSL3), mas tumabo ng ganansiya ang mga taong gubyernong nasa matataas na posisyon.

Humigit kumulang Pitong Daang Piso lamang ang nadagdag sa empleyadong may pinaka-maliit na sweldo, ang sa mga Direktor naman ay lampas Sampung Libong Piso ang umento!

Ang mga empleyado nga dito sa Main Office, sa liit ng natitira sa sweldo dahil sa samu’t-saring kaltas, napipilitan nang i-sangla ang mga ATM para lamang may panggastos. Lahat na rin halos ng puwede i-advance sa Credit Coop ay na-advance na!

Tipikal na payslip ng isang rank and file employee ng COMELEC. Sa dami ng kaltas, wala na halos matira. Literal na "our take home pay, can't even take us home"

Pero mas problemado ang sitwasyon pagdating sa mga COMELEC Employees sa field. Sila pa naman ang pinakamarami kung titignan ang populasyon ng mga manggagawa sa COMELEC.

Sa halos anim na libong manggagawa sa COMELEC, lampas apat na libo ang bilang nila. Isang libo lang mahigit ang nasa COMELEC Main Office sa Intramuros, Maynila.

Karamihan sa COMELEC field employees ay mga Election Officers (EOs) at Election Assistants (EAs). Mayroon ding mga Utility Workers at mga Casual na empleyado.

Nakaatang sa mga kamay nila ang napakabigat na responsibilidad na tiyaking malinis, mapayapa at kapani-paniwala ang eleksyon sa kanilang nasasakupan.

Dahil nasa frontlines, sila ang humaharap sa galit at pangungutya ng taumbayan sa panahong gagawa ng katiwalian ang ilang mga bugok na itlog sa Komisyon. Sila rin ang buntunan ng sisi ng madla sa tuwing may palpak na desisyon ang matataas na upisyal.

Sila ang kinukulit ng galit na galit na mga botante na hanggang ngayon ay wala pa ring mga Voters’ ID!

At dahil sila nga ang sugo ng COMELEC sa isang distrito/siyudad/munisipalidad, sila rin siyempre ang nakakasuhan sa tuwing may isang kandidato na ‘dinaya’ (kasi wala naman yatang natatalo sa eleksyon sa Pilipinas!)

Madami rin sa mga Election Officers ang nag-aalmusal ng mga death threats, nabibiktima ng pananakot at harassment. Ang iba nga ay naa-ambush pa at nakikidnap, lalo na sa mga lugar kung saan laganap ang karahasan. Katulad ng nangyari kamakailan sa Lanao del Sur kung saan may nadukot na isang EO.

Hindi natin sila masisi tuloy kung sila man ay umaray sa panahong nakakaramdam na sila ng tila hindi na tama, tulad halimbawa sa kanilang sahod.

Bumubungad ang katotohanang ito sa mga Election Officers lalo sa panahong may eleksyon. Kasi naman, kahit sila pa ang Chairperson ng Board of Canvassers (BOC) sa kanilang lugar, mas maliit ng di hamak ang natatanggap nilang Honorarium kumpara sa mga Members lang nila (mga DepEd Supervisors at Treasurers) dahil kinikompyut ang Honorarium ayon sa kanilang basic pay.

Dahil ang isang Election Officer I kasi ay may Salary Grade 12 lamang, seguradong mas malaki nga ang matatanggap ng kaniyang mga Members na mas malaki ang sahod kaysa sa kaniya. Ang himutok nga ng maraming EO: “Eh sino ba ang sumasalo ng kaliwa’t kanang mga kaso? Hindi ba’t kami lang naman din?”

Madalas din silang abonado. Kagaya ngayong registration period, kadalasan, sa kanilang bulsa mismo nanggagaling ang gastos para sa mga polyeto, streamer at iba pang information materials.

Sa tuwing may satellite registrations sila o kung ano mang aktibidad, sa kanila rin nanggagaling madalas ang pangkain sa mga staff at sa iba pang tumutulong.

Ayun, lugi ang pakiramdam ng mga EOs, at nauunawaan ko sila. May batayan ang kanilang himutok.


Pero kahit naka-paskil ang pangalan ng mga EO sa lahat ng checkpoints sa kaniyang nasasakupan, kahit walang kahirap-hirap ay kaya niyang ipatawag sa pulong ang simbahan, kapulisan, militar, mga kandidato’t pulitiko at iba pang mga sektor; bahagi pa rin sila ng sambayanang umaaray sa epekto ng nagtataasang presyo ng pangunahing bilin at serbisyo.

May mga anak din silang pinapa-aral, kaya namomroblema din sila sa grabeng taas na tuition fee sa ngayon. Namamalengke rin sila. Kaya kung nagtataasan ang mga presyo ng pagkain at iba pang bilihin, tiyak apektado ang mga budget nila. Sakit din sa mga ulo ng mga EO ang mala-gintong presyo ngayon ng LPG.

Sa mga may sasakyan naman, malamang ay napapakamot na lang sila ng ulo sa walang puknat na pagsirit ng presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo.

Kung kaya naman, dapat ay kasama natin ang mga empleyado ng COMELEC sa field sa paggiit sa karapatan nating mga rank and file na empleyado para sa makabuluhang dagdag sahod. Walang ibang akmang panahon para itulak natin ito, kakapit-bisig ng mga manggagawa sa pampublikong sektor, kundi ngayon.

Lehitimo at ginagarantiyahan mismo ng Saligang Batas ang ating ipinaglalaban.

Maging ang mga alituntunin ng Civil Service Commission, pinahihintulutan ang upgrade/adjustment sa mga sahod ng mga empleyado sa gobyerno.

Kaya susi ang pagkakaisa. Walang pipigil sa ating pagtatagumpay kung dadaluyong tayong may iisang  boses at tangan-tangan ng mahigpit ang iisang layunin.

Nararapat lamang, kung gayon, na pagpugayan natin ang mga empleyado ng COMELEC, na kasama ang mga EOs at EAs sa field, ay matapang na lumalaban ngayon para matamo ang nakabubuhay na sweldo.

Ang signature campaign na mabilis na kumakalap ngayon ng suporta sa buong kapuluan ay umpisa pa lamang ng ating laban.

Dahil hindi dapat natin buong-buong i-asa na lamang ang ating kapakanan sa grasya ng mga nasa matataas na pusisyon, importanteng aktibo tayong kumikilos para makamit ito.

Hindi dapat tayo napapagod sa pagpapaliwanag ng ating paninindigan. Kung kinakailangang humugos tayo sa labas ng ating mga upisina, gawin natin dahil tayo ay nasa tama.

Kalimutan na natin ang palagian na lamang pag-aabang sa limos at kakarampot na ‘biyaya’ galing sa itaas. Hindi tayo musmos na kayang patahanin sa minsanang bigay lamang ng kapirasong kendi.

Tanawin natin ang katiyakan nang institusyunalisasyon ng ating mga karampatang benepisyo na idudulot ng Collective Negotiation Agreement (CNA) sa pagitan ng ating Unyon at ng Management sa malapit na hinaharap.

Nasa kamay nating mga rank and file ang pagbabago at wala sa iilan. Tayo ang lilikha ng sarili nating kasaysayan. Walang gagawa ng ‘good news’ para sa atin, kundi tayo mismo.

Mac Ramirez
Convenor
COMELEC Wage Fight!

Comelec Employees Union

Kay Juanita

“Without regard for her own safety, Juanita turned her back to the bus and used her arm to protect the boy.  Both were pinned down but the boy got out of the unfortunate incident with only slight wounds,” – OWWA

 

Ano ba ang kabayaran sa iyong kabayanihan?
Sapat ba ang taguri at mga pambobolang bansag
para ito ay tumbasan?
Ang pulang karpet ba ay makakayang
pa-hupain man lamang ang naglalawang
pagod, ngalay, pangungulila, pagkabagot at kamatayan
na sinapit sa ibayong bayan?

Sa tuwing magpapadala ka ng perang pinagpaguran noon,
konswelo bang makita ang makukulay
na pangbibilog ng mga bangko,
mga remittance centers na puntirya lamang naman
ay pagtubuan ng malaki ang resulta
ng pagkakawalay mo sa mahal mong pamilya,
sa iyong anak?

Sa mga gabing namamalas mo
ang mga litrato ng anak mong si Marc,
masayang naglalaro, suot ang mga bago niyang damit at sapatos,
kasi may natirang kaunti sa iyong remittance;
ay gumaan man lamang ba ang iyong kalooban
dahil sa higanteng mall kung saan ginastos ang iyong padala,
ay may malaki namang streamer na kumikilala daw sa iyong sakripisyo?

Bumilib ka ba sa sarili mo, ‘nung malaman mong
ang pinadala mong sweldo noong Abril,
ay umambag sa tumataginting na lampas anim na bilyong dolyar,
record high remittance’ na pumasok sa bansa
sa unang apat na buwan lamang ng taon?

Pumalakpak ka rin ba ng kasing lakas
ng palakpak ng Bangko Sentral,
na nagsabing magtutuloy-tuloy pa ang
pagpasok ng dolyar sa bansa,
dahil magagaling at masisipag daw
ang mga ‘bayaning’ katulad mo,
na paboritong kuhanin ng mga dayuhang Amo.

Nakahinga ka ba ng maluwag,
nang mapanood mo sa telebisyon ang Pangulo
habang nagmamalaking ipinag-utos na daw niya
ang pagtitiyak sa iyong proteksyon?
“Bayani” ka daw sabi niya sa talumpati niya noong Hunyo 7,
Araw ng mga Migrante,
nang kaniyang pasinayaan ang proyekto ng gubyerno na pwede mo nang ‘utangin’ ang sarili mong pera sa OWWA.

Noong umaga nang Hunyo 10,
habang itinatawid mo ang iyong alaga
sa isang kalsada sa Hongkong;
Naisip mo kaya na tunay ngang dakila ka at bayani
sa mata ng pamahalaan, sa malalaking bangko
at dambuhalang mga negosyo?

Noong ihinarang mo ang sarili mong katawan
para iligtas ang buhay ng bitbit mong bata,
napaisip ka kayang, kaya ding gawin sa iyo ito ng pamahalaan,
sakaling ikaw naman ang mangailangan?

Tutal, ‘bayani’ ka naman ayon sa kanila;
katulad mong OFW naman umano ang ‘pokus’
ng gubyernong saklolohan,
parehong gubyernong nagkakandarapang panatilihin ka sa abroad
para tuloy tuloy lang ang pagpapadala mo ng dolyar.

Oo… Bayani at dakila ka raw.
Kaya noong umuwi kang nakakahon noong Biyernes
ang asawa mong si Edwin, na sumalubong sa iyo
sa cargo area ng paliparan,
ay binalitaan ng OWWA na dahil nga ‘bayani ka,’
Makakatanggap raw ang iyong pamilya
ng Two hundred twenty thousand! (P220,000.00)

Tinumbasan na nila ang iyong kabayanihan. 

LINKS:

Hong Kong OFW dies to save boy

Netizens salute OFW who died saving her charge

Puppy Love

Noong may isang bobong nagpatuyo
ng kaniyang tutang bagong ligo,
Nilagyan ng sipit at ibinitin
sa mataas na sampayan
ang kawawang aso,

Mabilis
kumalat ang galit.
May Facebook page pa
na agad nagawa para tipunin ang ngitngit
ng mga nag-like sa pag-unlike sa bobong may-alaga.

“Ikaw kaya ang isampay ko sa sampayan?”
Nagkakaisang kumentaryo
ng libo-libong biglaang
mga ‘animal rights
activists’

Mayroon
pa ngang nagtanong
kung saan ang address ng mokong
kasi gusto daw nilang siya’y hantingin, ikula
sa washing machine, ibitin ng patiwarik saka bitayin

Bilib ako sa pinamalas ng sambayanang Facebook.
‘Sang kisap-mata lang ay na-korner ang violator
ng karapatan ng tuta na magpatuyo
ng balahibo sa sahig

Pagdating
ng six ‘o clock news,
wala nang kredibilidad at dangal
si Boy Sampay. Nanghingi na ng tawad,
sa nagawang sablay. At nangakong di na uulit.

Nanganganib na matulad si mokong sa ungas
na nagbulalas sa Facebook din
na pinatay niya ang alaga
niyang pusa.
Kulong.

E may OFW
na binubuhusan ng Clorox
ang ari. Pinapasakan ng sili ang pekpek,
kapag pagod na ang Amo niyang kumag sa pambubugbog.

Mayron ding OFW ang nagkulong sa isang palikuran ng NAIA,
biglang sumalampak lamang sa sulok, iyak ng iyak.
Halatang napanawan na ng bait sa sarili,
habang tinatangis ang abusong
tinamo sa Amo sa Saudi.

May isa pa
na sa sobrang sama ng loob
ay nakuha na lamang na magpatihulog
sa isang pasamano sa magarbo nating airport
dahil maagang nasibak sa trabaho, ay uuwing luhaan at walang naipon.

Nasaan ang galit para sa kanila?

Talbos

Pinagmamasdan ko ngayon,
ang halamang tinalbos mo
para ipalamuti sa bago nating bahay

May dalawa siyang dahon
at may pausbong pang isa,
akmang pansalubong sa binubuo nating
bagong buhay

Naalala ko pa ang ngiti mo
nang ibalita mo sa akin noon,
na pumitas ka nga ng halaman
mula sa hardin ng may-ari

Nilagay mo ang halaman
sa bote ng red wine
na tinubigan mo pa,
matapos mong ubusin ang laman
habang ang tapon nito ay ipinangtatapal ko
sa sumisirit nating gripo

Kagaya natin,
nag-umpisa ang bagong buhay ng ating halaman
sa loob ng bago nating bahay.
Napansin ko ang  pagtingkad
ng kulay berde niyang dahon,
ang tikas ng tayo ng tangkay niyang
busog sa aruga

Tulad ko, masaya rin siguro siya
dahil pinitas mo siya
sa dati niyang kinalalagyang,
bilad sa araw
habang naghihintay lamang sa ulan

Iniisip ko nga sa tuwing makikita ka niya sa umaga
at sa tuwing darating ka sa gabi
para din siyang aso na walang tigil ang pag-kawag ng buntot,
dahil sa kasabikan na madampian muli,
ang mga dahon niya ng iyong haplos

Iba kasi ang dilig kung manggagaling sa iyo.
Sapagkat may langkap itong pagpapahalaga,
at pagmamahal….

Iba ang dampi kung sa kamay mo magmumula.
Dahil kargado ito ng unawa at pag-aalala…

Pinagmamasdan ko ngayon
ang halamang tinalbos mo
para ipalamuti sa bago nating bahay

Lundo at hapay na ang isang dahon nito.
Lanta na ang dating matingkad niyang kulay.
Maalikabok na rin ngayon,
Ang bote na kaniyang kinalalagakan.

Ang dating masiglang halaman,
Larawan na lamang ngayon ng pangungulila,

Kasi wala ka na.

Hinihintay ka niya…