Mga pirata sa buhay ng mga marinong Pinoy

Nakatakdang gunitain ngayong Setyembre ang ‘seafarers month’ bilang pagpupugay sa mga marinong Pilipino. Inaasahang magiging magarbo ang taunang selebrasyong pinangungunahan ng gubyerno at lalangkapan ng kabilaang paggawad ng parangal, pamamahagi ng mga insentibo, mga scholarship at kung ano ano pa.

Tiyak ding ibibida ng pamahalaan ang kadakilaan ng mga marino, ang kanilang palagiang pangunguna sa mga sektor na nagpapadala ng dolyar na kita sa bansa at siyempre ang kanilang pagiging ‘world class’ at ‘most sought after’ sa pandaigdigang industriya.

Subalit ang nakatakdang engradeng selebrasyon ngayong buwan ay nakukubabawan ng dalawang malalaking isyung tumambad kamakailan na nagpapahiwatig ng tila kabaligtaran ng gustong ipamukha ng pamahalaan: una, ang sunod-sunod na kaso ng pagkidnap sa mga marinong Pinoy; at ikalawa, ang paglobo ng bilang ng mga marinong walang trabaho.

Pirata hotspots

Noong Agosto, dumagundong ang sunod-sunod na balita ng pangingidnap at pangha-hijack sa di iilang mga tripulanteng Pinoy ng mga pirata habang sila ay bumabagtas sa Gulpo ng Aden malapit sa baybayin ng Somalia.

Noong Agosto 21, pinasok ng mga hinihinalang mga piratang Somali ang M/T Bunga Melati 2 kung saan may 10 Pilipinong tripulante. Si Jayson Dumagat, isa sa sampung Pinoy, ay napaulat na namatay sa insidente umano ng ‘accidental fire.’

Nang araw ding iyon, siyam pang Pilipino ang napaulat na nadukot. Bahagi sila ng 13-man crew ng freighter na M/T BBC Trinidad.

Isa pang barko, ang M/T Irene, ang na-hijack noong August 21, kung saan may 15 Pilipinong tripulante. Dahil dito, umakyat na sa 59 ang bilang ng mga Pilipinong marino na nakidnap simula lamang buwan ng Hulyo.

Ayon sa International Maritime Bureau (IMB) ng International Chamber of Commerce, isang organisasyong nagbabantay laban sa iba’t-ibang tipo ng krimeng pandagat, nagtala ng 110 kaso ng pamimirata sa mga karagatan ng mundo mula Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon. Halos 30 sa mga kasong ito ay naganap malapit sa baybayin ng Somalia.

“Piracy is on the increase wherever there is no strong government order,” paliwanag ni Captain Pottengal Mukundan, Director ng IMB. “That applies currently to Nigeria and Somalia, which are currently the hotspots of piracy.”

Hindi kataka-takang lumobo ang kaso ng mga atakeng pandagat malapit sa Somalia. Saklot sa matinding gutom, digmaan at malalang kriminalidad ang bansa. Simula 1991, matapos pabagsakin ng mga warlords ang diktador na si Mohamed Siad Barre, wala pang gumaganang gubyerno sa Somalia.

Noong isang taon, mahigit 8,000 sibilyan ang namatay sa bakbakan sa pagitan ng magka-alyadong pwersang Somali at Ethiopian at mga rebeldeng Islamist. May isang milyon din ang napilitang lumikas sa kanilang mga kabahayan dahil sa kaguluhan.

Lagpas ‘sang-katlo ng kabuuang populasyon ng Somalia ang nagugutom, at dahil nga sa lumalalang sitwasyong panseguridad sa mga baybayin nito; maging ang ayudang pagkain mula sa United Nations ay nababalaho na rin.

Ayon nga kay Rashid Abdi, isang eksperto sa usaping Somalia at opisyal ng think tank na International Crisis Group (ICG), nasasaksihan na raw ng mundo ngayon ang “gradual takeover of the state by criminal gangs” sa Somalia.

Deployment ban?

Ikinaalarma na nga ito ngayon ng gubyerno ng Pilipinas (matapos ang 59 kaso ng pandurukot!) na nagpanukalang ipagbawal na ang mga Pilipinong bumagtas sa baybayin ng Somalia. Sinegunduhan naman ito ni Senador Jinggoy Estrada.

Pero para kay Engr. Nelson Ramirez, pangulo ng United Filipino Seafarers, kung itutuloy ng gubyerno ang balak, mas lalong mahihikayat lamang nito ang mga marinong Pinoy na mag-‘underground’ at pumasok sa iligal na paraan, makasampa lamang ng barko.

“To ban Filipino seafarers in certain pirate-prone seas is like telling the ship to avoid the water,” sabi ni Ramirez sa isang panayam. “No Filipino seafarer would sign any contract at all. Ship owners too may not hire Filipinos.”

Pero tigas pa rin sa pamimilit ang gubyerno. Mismong ang kalihim ng Department of Foreign Affairs, si Sec. Alberto Romulo, ang nag-utos na tingnan ang posibilidad ng pag-ban sa mga marinong Pinoy.

“We cannot risk the lives of our seafarers. We have to look into their safety,” aniya.

Pero sinsero nga ba sa hakbang na ito ang gubyerno? O isa na naman ito gimik para maghugas-kamay sa sunod-sunod na pangingidnap?

Tila hindi yata nalalaman ni Romulo na ang karagatan sa pagitan ng Somalia at Yemen ay isa sa mga “major arteries” sa mundo na dinadaanan ng halos 20,000 sasakyang pandagat kada taon. Nakaligtaan na rin yata ng kalihim na 30 porsyento, o mahigit 350,000, ng kabuuang bilang ng mga marino sa mundo ngayon ay mga Pilipino. Dahil dito, tinagurian na nga ang Pilipinas bilang “world’s manning capital.”

Kaya’t kung may ipapataw man na ban, tiyak na libo-libong Pilipinong seaman ang maaapektuhan. Isa pa, may maniniwala kaya sa gubyernong Arroyo na gagawa ito ng hakbang na magreresulta sa pagkabawas sa tubo nito sa remittances?

unemployed seafarers congregate along T.M. Kalaw Ave. hoping to find work.

unemployed seafarers congregate along T.M. Kalaw Ave. hoping to find work.

Isang ampaw na propaganda

Noong 2007 kasi, nagpadala ang mga Pilipinong marino ng mahigit sa US$ 2.2 bilyon, kaya naman maging si Pangulong Gloria Arroyo ay sumaludo sa aniya’y “superior quality of Filipino seamen.”

“Being the largest sector among OFWs, seafarers constitute a major factor in the rise (of) the Philippine economy…” pagbibida ni Arroyo sa harap ng mga delegado sa Philippines-Japan Manning Cooperative Forum 2008 noong Marso.

Sa madaling sabi, ang panukalang ban sa mga marino na bumagtas sa mga baybaying pinamumutiktikan ng mga pirata ay walang pinag-iba sa mga nakalatag na ban ngayon ng gubyerno sa mga bansang Iraq, Nigeria, Jordan, Lebanon at marami pang iba: isang ampaw na propaganda. Lalong lalo na ang kasalukuyang administrasyon, hindi kayang maatim ng administrasyong nakasuso sa remittances na matapyasan ang perang ipinapadala ng mga marino, kesyo sila pa ay mabiktima ng mga kalahi ni Captain Hook.

Liban pa rito, sadyang napakahirap paniwalaan ang panukalang ban ng gubyerno lalo’t sa harap ng lumolobong bilang ng mga marinong walang trabaho. Ikinabahala na nga ito ng Apostleship of the Sea (AOS) at ng Philippine Seafarers Union (PSU) na nagsabing may tinatayang 330,000 seaman ang kasalukuyang hindi man lamang maka-apak ng barko.

Lubhang kakatiting lamang o pito hanggang walong libo ang na-dedeploy na seaman kada taon ayon sa dalawang grupo sa kabila ng pagkakaroon ng 94 na mga maritime schools na binigyan ng akreditasyon ng Commission on Higher Education (CHED) ngayon taon.

Saan naman kaya planong itambak ng gubyerno ang hukbo ng mga walang trabaho na ito? Baka sa call center o sa pagkukumpuni ng cell phone, gaya ng imunungkahi ni Gloria Arroyo kamakailan sa mga nagbabalak mag-caregiver.

Leave a comment

No comments yet.

Comments RSS TrackBack Identifier URI

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s