Kung saan P7 lang ang pamasahe

Si Mang Daniel Soriano

Si Mang Daniel Soriano

Alas-kuwatro pa lang ng umaga, gising na si Mang Daniel Soriano, 41, para umpisahan ang maghapong kayod sa manibela. “Pag hindi ako magsisipag, walang kakainin ang pamilya ko,” aniya, kaya naman “hataw” kung bumiyahe itong si Mang Daniel.

Pero habang maraming mga tsuper ang natuwa sa pagtaas ng minimum na bayad sa pamasahe patungong P8.50 kamakailan dahil na rin sa di maawat na pagtaas ng presyo ng langis at mga produktong petrolyo, wala naman raw itong epekto kay Mang Daniel. Kasi naman, sa lugar kung saan siya bumabiyahe, pitong piso lang ang pamasahe – di hamak na mas mababa sa itinakdang singil ng gubyerno.

EDSA-Bagong Barrio sa Caloocan ang ruta ni Mang Daniel. May halos isang daan ding dyip ang bumabagtas sa rutang ito. “Wala naman kaming magawa. Hindi kami puwedeng magtaas ng pasahe kasi wala nang sasakay sa‘men,” paliwanag ni Mang Daniel habang naghahantay sa pila at sukbit-sukbit pa sa katawan ang sisidlan ng kinita sa maghapon.

May mga bumabiyahe din kasing mga tricycle sa ruta nila na pitong piso din ang sinisingil sa mga pasahero. Kaya naman hindi maaaring sumabay ang mga tsuper ng dyip sa Bagong Barrio sa minimum fare increase na itinakda ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board o LTFRB.

Kalbaryo ng mga tsuper sa Bagong Barrio

Kung tutuusin, noong Hulyo 7 lamang naging pitong piso ang minimum na pamasahe sa dyip sa Bagong Barrio. Bago nito, limang piso lamang ang kailangang bayaran ng mga pasahero.

Ito ang matinding kalbaryo ni Mang Daniel, sampu ng kaniyang mga kapwa tsuper sa Bagong Barrio. Sabi nila, hirap na hirap na sila sa halos lingguhang pagtaas ng presyo ng krudo. “Hindi na ba matatapos ang mga pagtaas na ito?,” tanong ni Mang Daniel. “Hirap na hirap na kaming mga drayber dito.”

P300 ang karaniwang boundary ng mga tsuper sa Bagong Barrio at P250 naman kung walang pasok. Sabi ni Mang Daniel, suwerte na raw ang mga drayber doon kung makapag-uwi sila ng kita na P200. “Ang kumikita lang talaga dito ng malaki ay ang mga kumpaniya ng langis. Sabi nila nalulugi sila kaya kailangang magtaas ng presyo, kalokohan ‘yon. Imposibleng malugi sila” bulalas pa niya.

P500 hanggang P700 daw ang ginagastos ng mga tsuper sa Bagong Barrio sa krudo pa lamang. Kaya naman, kung minsan si Mang Daniel, alas-dose na ng hating-gabi natatapos sa pamamasada may maiuwi lang kahit kaunting pera sa pamilya.

“Minsan nga pangkain na lang, kulang pa. Wala na nga kaming panahon mag-happy happy,” sabi ni Mang Daniel, sabay tawa. Nang makapanayam ng Pinoy International mag-aalas-singko, Linggo ng hapon; wala pang boundary si Mang Daniel. Idinagdag pa nga niya, baon na baon na siya sa utang. Humiram lang daw siya ng isang libo sa nagpapa-five six noong Sabado para lang may ipantawid sa gutom. May mga kailangan din daw kasing bilhin sa eskwela ang dalawa niyang anak sa hayskul. Daing pa ni Mang Daniel: “Sa sitwasyon nga naming mga drayber ngayon, hindi ko na nga alam kung papaano ko papaaralin ang mga anak ko sa kolehiyo. Bahala na.”

Regulasyon, pagbasura sa VAT ang kailangan – CBCP, BAYAN, Ibon

Sabi ng Ibon Foundation, ang ugat ng tila walang katapusang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa ay ang Oil Deregulation Law. Ayon sa grupo, simula nang isabatas ito noong 1996, sumirit na ngayon sa tumataginting na %492 ang itinaas ng presyo ng gasolina at %607 naman ang sa diesel.

Ngayong taon nga lamang, halos dalawampung ulit nang tumaas ang presyo ng langis. At mula Enero, umabot na ang pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina sa di bababa sa P16 kada litro. Sa kabila nito, umaatungal pa ang mga kumpaniya ng langis. Kesyo lugi pa daw sila at kailangan pang magtaas ng P8 hanggang P10 sa presyo nito kada litro. Kaya naman, tinataya na ng mga eksperto na hindi malayong umabot na sa P70, mula sa kasalukuyang P54, ang presyo ng isang litrong diesel pagdating ng Agosto.

“Oil deregulation was supposed to ensure affordable and accessible petroleum products by breaking up the local oil cartel, allowing “market forces” to determine the real price of oil. Instead, it only gave Shell, Petron and Chevron (formerly Caltex), more room for speculation and to dictate prices and price hikes,” ayon sa Ibon sa isang pahayag kamakailan.

Nanindigan ang grupo na malalagot lamang ang monopolyo at kontrol ng mga higanteng kumpanya ng langis sa lokal na industriya at matitiyak na mas magiging abot kaya ang presyo ng mga produktong petrolyo kung ibabasura ang Oil Deregulation Law.

Sang-ayon din dito maging ang maimpluwensiyang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP). Sa isang pulong balitaan noong unang linggo ng Hulyo, nanawagan si CBCP President at Jaro Archbishop Angel Lagdameo sa pamahalaang Arroyo na agad na repasuhin ang Oil Deragulation Law pati na rin ang batas na nagpapataw ng Value Added Tax (VAT) sa mga produktong petrolyo.

Anang Obispo, hirap na hirap na ang taumbayan sa nagtataasang presyo ng pagkain at langis kaya naman kagyat na kailangang tugunan ng pamahalaan ang kanilang panawagan. “Out of sympathy for them (publiko), kailangan ma-review ang batas sa pagtaas ng bilihin, lalo na gasoline.”

Matinding pahirap din sa tsuper at mamamayan ang sinisingil na VAT sa mga produktong petrolyo. Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), kumukubra pa ang gubyerno ng P6.71 singil sa VAT sa kada litro ng diesel at ito raw ay tumaas pa ng %45 mula sa P4.61 noong Enero.

Sa pagtantya pa nga ng BAYAN, kinakailangang gumastos na ngayon ang mga drayber na gaya ni Mang Daniel ng P201.30 sa isang araw mabayaran lang ang singil sa VAT. Ibig sabihin, sa buwis na babayaran pa lamang, katumbas na ito kaagad ng isang maghapong kita ni Mang Daniel!

“The Arroyo administration could no longer justify the VAT on oil with the unabated fuel price hikes. Its desperate attempts to counter the snowballing call to cancel this oppressive tax through the gasoline price rollback and subsidies will not appease the restless public,” ayon sa tagapagsalita ng BAYAN na si Arnold Padilla.

Pero tigas pa rin sa pagtatanggol sa Oil Deragulation Law at VAT si Gloria Arroyo. “The world crises did not catch us unprepared or without reserves. We took hard decisions several years ago, hard on our people, unpopular with big business, but good for the country, as events have shown beyond any doubt,” sambit ni Gng. Arroyo sa harap ng mga delegado ng 4th Annual Ambassadors, Consuls General and Tourism Directors Tour noong Hulyo 15.

“These hard decisions were intended to raise new revenues, large amounts of new revenues from bold fiscal reforms – more money for more bridges, roads, ports and other infrastructure to create more opportunities for new wealth and new jobs, all towards a self-sufficient, self-reliant, strong republic,” dagdag pa ng Pangulo.

“Ramdam ang Kaunlaran?”

Pero tila palaisipan pa rin kay Mang Daniel at sa mga tsuper ng Bagong Barrio ang binabanggit ni Gng. Arroyo na mga mabuting idinulot ng Oil Deragulation Law at VAT sa mga mamamayan. Nang tanungin nga kung may katotohanan ba ang slogan ng Pangulo na “Ramdam ang Kaunlaran,” kakarampot lang ngunit malaman ang naging tugon ni Mang Daniel: “Ha? Siguro sila, ramdam nila. Pero kami dito, ramdam namin ang kahirapan.”

Noong Hulyo 3, 2008 nagpulong ang sektor ng transportasyon sa Bagong Barrio, kabilang na ang Bagong Barrio Drivers Association Inc (BBDAI).; Bagong Barrio Tricycle Operators and Drivers Association (BBTODA) at ang MAJESA Transport Association. Sa nasabing pulong, na pinangunahan ni Brgy. 138 Chairman Eduardo S. Bade, napagkasunduan nilang itaas sa Pitong Piso ang pasahe sa dyip at tricycle dahil hirap na hirap na umano sila sa lingguhang pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.

“Kahit papaano, madadagdagan na rin ang kita naming mga drayber dito, dahil nagtaas na nga. Pero ang dapat talagang gawin ay itigil ang pagtaas ng presyo ng langis,” hiling ni Mang Daniel. ###

* Mga kuha ni Yboy Macatiag

Leave a comment

No comments yet.

Comments RSS TrackBack Identifier URI

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s