Si Rizal bilang OFW

Sa okasyon ng ika-147 kaarawan ni Gat Jose Rizal ngayong Hunyo 19, 2008, minabuti kong sariwain sa artikulong ito ang isang aspeto ng buhay ng ating pambansang bayani na nananatiling totoo at patuloy pa ring dinaranas ng mga tinaguriang makabagong bayani ng ating panahon – ang mga overseas Filipino workers (OFW) o mga migranteng Pilipino.

Katulad ng halos sampung milyong mga migrante sa kasalukuyan; nangibangbayan si Rizal tulak ng matinding pagmamahal sa pamilya at sa inang bayan na noon ay saklot pa sa lampas tatlong daan taong kolonyal na paghahari, pagpapahirap at pagsasamantala ng Espanya.

Ngayon, bagamat wala nang direktang nangongolonya sa ating bayan, nagpapatuloy pa rin ang mala-kolonyal na dominasyon dito ng mga mayayamang bansa – sa pangunguna ng Estados Unidos – na siyang isa sa pangunahing puno’t dulo ng kronikong kahirapan sa Pilipinas. At ang kahirapang ito ang siyang nagtutulak sa tatlong libo nating kababayan araw-araw palabas ng bansa para lamang mabuhay at mabigyan ng magandang bukas ang kanilang mga pamilya.

Tumulak si Rizal pa-ibayong dagat – sa kauna-unahang pagkakataon at lingid sa kaalaman ng kanyang pamilya at kababayan (maliban sa nakatatandang kapatid na si Paciano) – noong Mayo 3, 1882 lulan ng bapor na Salvadora papuntang Espanya.

Nagmukmok at ilang araw na nagkulong lamang sa kuwarto ang ama ni Rizal na si Don Francisco Rizal Mercado matapos malaman ang kaniyang paglisan ayon kay Paciano. Sinulat niya kay Jose noong Mayo 26, 1882 na maging ang mga pamilya, ang kura at iba pang kaibigan nga ay hindi mapanatag ang kalooban ng matandang ama. Pinatulak pa nga siya nito sa Maynila para lamang siguruhin na magiging mapayapa ang pagbiyahe ng anak na si Jose.

Samantala, naging araw-araw na laman ng mga huntahan sa bayan at mga kalapit na pook ang biglaang paglisan ni Rizal, ayon kay Paciano. Idinagdag pa nitong may mga prayleng natuwa, mayroon din namang hindi.

Sa dakong huli, sa pangingibang-bayan ni Rizal patungo sa Europa na tinaguriang kontinente ng misteryo at kultura, magsisimula ang tuluyang paghulagpos at paglaya ng aping mamamayang Pilipino sa kamay ng mga kolonyalistang Espanyol.

Bagong salta

Dumating si Rizal sa Barcelona, Espanya noong kalagitnaan ng Hunyo 1882. At tulad ng maraming karaniwang bagong saltang Pinoy sa dayong mga bansa, nakatikim agad siya ng iba’t ibang porma ng panlalamang at katakot-takot na kamalasan.

Inilarawan niya sa kaniyang pamilya sa isang liham noong Hunyo 23, 1882 na dahil sa mga na-enkwentrong panggugulang ng hotel keeper, kargador (porter) at kutsero (coachman) sa kaniyang unang araw sa Barcelona, pitong piso na lang ang natira sa kaniyang bulsa. Masakit, aksidenteng nabitbit pa ng nagmamadaling nakasabay ni Rizal ang kaniyang balabal (coat) kung saan nakalagay ang kaniyang pasaporte at pares ng guwantes!

At nung marating niya ang bahay-tuluyan na inirekomenda sa kaniya ng mga paring Heswita – isang maliit, mainit, at madilim na lugar sa maduming iskinita sa kalye ng San Severo – dinatnan siya bigla ng matinding kalungkutan at pangungulila.

“Then a thousand sad thoughts invaded my mind upon finding myself in that world hitherto unknown to me, without friends, without relatives…,” aniya.

Bukod sa madalas ma-homesick si Rizal, lagi rin siyang natatakam sa mga pagkaing matatagpuan lamang sa Pilipinas. Kaya naman noong nag-aaral na siya ng medisina at abugasya sa Madrid, hiniling niya sa kaniyang mga magulang at kapatid noong Oktbubre 10, 1882 na padalhan siya doon ng bagoong, sampalok, minatamis na bayabas at burong mangga. Ipinakiusap pa nga ni Rizal na isilid ang mga ito sa isang kahon na madaling bitbitin at ibigay sa kaibigan niyang si Sangciano (awtor ng Progreso de Filipinas) na noon ay nakatakdang magbalik-bayan.

Katulad din ni Rizal, ang mga kababayan natin ngayon sa iba’t ibang sulok ng mundo ay parati pa ring umoorder sa kanilang mga pamilya ng mga pagkaing Pinoy na ito. Ang kaibahan nga lamang; bukod sa bagoong, kadalasang may dagdag na bareta ng sabong Safeguard o kaya ay Likas Papaya, danggit at mga pakete ng Chocnut at Lucky Me Instant Pancit Canton ang laman ng mga kahong inoorder ngayon ng mga OFW!

Si Rizal, at ang mataas na singil sa remitans

Pero kung ang mga OFW ang nagpapadala ng pera sa kanilang mga pamilya dito sa Pilipinas, si Rizal naman noon ang umaasa sa remitans para mabuhay. At dahil nagsusunog nga ng kilay sa pag-aaral sa Europa, pangunahing umaasa si Rizal sa padalang pera ng mga kapatid at kaanak, mga kaibigan at pati na ng mga kababayan sa Calamba at Maynila.

Kaya tulad ng mga OFW at mga pamilya sa kasalukuyang panahon, umaray din ang ating pambansang bayani sa nagtataasang singil ng mga bangko sa remitans.

Sa liham niya sa kaniyang mga magulang noong Enero 15, 1886 inireklamo niya na sa P200 remitans, P192 lamang ang nauuwi sa kaniya dahil sa kaltas ng mga bangko. Iminungkahi niya na sa susunod na pagpapadala nila ng pera, idaan daw dapat ito sa Chartered Bank of India, Australia and China na parehas daw kung maningil. Dangan kasi, gipit na gipit na ng mga panahon na iyon si Rizal, mabuti na lamang ay lagi siyang pinapautang ng mga kaibigang tulad nina Juan Luna at Valentin Ventura. Pinahirapan din siya ng sobrang taas ng cost of living sa Europa.

“I would never have wished to tell you this, but in the present circumstances I think it is best not to hide the truth from you, because you would hear about it anyway. However, never would I let our parents believe that I’m undergoing the least hardship. If no money comes by the next mail, I shall be compelled to sell my ring at a loss, as well as my books acquired during three years of force of economy and patience and whose cost amounts to 250 pesos,” sabi ni Rizal sa isang sulat niya kay Paciano noong 1885.

Ganitong ganito rin ang pinagdadaanan sa ngayon ng mga migranteng Pilipino. Kung hindi sila lubog sa utang, nagkakanda-kuba naman sila sa dalawa o kaya ay tatlong trabaho sa ibayong dagat para lamang sumapat ang ipinapadala sa Pilipinas. Bukod kasi sa tinatamaan din sila ng papalalang krisis pang-ekonomiya sa bansang pinagtatrabahuhan, pinapahirapan din sila ng pagtaas ng piso na siya namang nagpapaliit sa halaga ng kanilang remitans. At idagdag pa dito ang grabeng taas ng remittance charges ng mga bangko pati na rin ang di makatwirang buwis ng gubyerno (.15% documentary stamp tax) sa kada padala nila ng pera sa Pilipinas. Wala nang natitira sa perang ipinadala!

Malala na rin ang kasalukuyang krisis sa Pilipinas bunsod ng nagtataasang presyo ng langis, pagkain, matrikula at iba pa, kaya naman kailangang kumayod pa ng husto ang mga migranteng Pilipino makapag-remit lamang ng mas malaki kaysa dati.

Ang ganitong kalunos-lunos na kundisyon ang nagtulak kay Rizal para humanap ng trabaho nang sa gayon ay masuportahan ang sarili. Ayaw na rin niyang maging pabigat sa kaniyang pamilya.

Hulyo 30, 1885, nang hingin ni Rizal ang pahintulot ng kaniyang mga magulang na payagan siyang magsilbi bilang manggagamot sa ilang bayan ng Espanya na tinamaan ng cholera at kung saan ay walang mga doktor. P12 daw ang arawang sweldo dito at kaya niyang makaipon ng P250 sa isang buwan. Sasapat na ito para suportahan siya sa loob ng limang buwan.

Hindi naman daw siya takot sa cholera, ngunit kung sakaling tamaan man siya, alam naman niyang mamamatay siya ng may katuturan. “I believe this suits me. In this way I can begin earning my livelihood and helping the family a little. I don’t believe there is much danger of contagion because, of the physicians, who had gone to those towns very few got sick and those who died don’t go beyond four. I’m in good health, I’m young, and I’m not afraid of cholera, which matters a great deal,” sabi pa ni Rizal sa liham.

Malamang ay mapa-sirko na lang si Rizal sa kaniyang libingan kung mabalitaan niyang ang Pilipinas na ngayon ang pinakamalaking suplayer ng nars sa buong mundo at ikalawa lamang sa India sa pinakamaraming niluluwas na mga duktor! Nagkakanda-sarahan na nga ang mga ospital at pagamutan sa bansa dahil dito at nakaamba na ring gumuho ang kabuuang sistemang medikal sa bansa.

‘Humiliating’

Pero gaano man karubdob ang kagustuhan niyang kumayod, lubhang nahirapan si Rizal na makahanap ng trabaho sa Espanya. “In Madrid, as in almost the greater part of Spain, there are certain prejudices to which one has to adjust himself however independent he may be,” aniya.

Pinuna ni Rizal ang pananaw ng mga Europeano na kahiya-hiya ang trabahong manual.

“To earn my living here, in my conditions, without giving occasion to murmuring, I would have to resort to employment, to politics, for manual work here is usually considered humiliating and frankly I have no courage to drag myself to the office of the minister to beg with my salutations for a salary that would make you as well as myself ashamed.”

Pinasaringan din niya ang pag-iral ng pamumulitika na kumokontrol sa lahat ng aspeto ng buhay sa Esapanya. “Here politics is the soul of everything: It is injected into the trades, arts, letters, and sciences. Even the bullfighters, poets, and others who are worthless must join politics. The learned man, if he is not a politician, is not learned. Even cholera has been made a political question, even the bacillus itself, the origin of disease.”

Umiiral pa rin ang ganitong kundisyon hindi lamang sa Espanya, kundi maging sa marami pang mga bansa sa mundo. Sa mga mayayamang bansa kasi, walang gustong kumuha sa mga trabahong katulad ng pag-aalaga sa mga matatanda (nars, caregiver at iba pa) dahil itinuturing nila itong kadiri at kahiya-hiya. Kung kaya’t tumitingin sila sa mga mahihirap na bansa, tulad ng Pilipinas, para punan ang mga trabahong ito. At dahil bigo ang gubyernong magbigay ng trabahong may nakabubuhay na sahod sa ating manggagawang pang-kalusugan dito sa atin, nagkakandarapa itong ipatulakan ang mga mamamayan, kasama na ang mga duktor at nars, na mag-abroad kapalit ng bilyon-bilyong dolyar nilang remitans.

Paglaon, pinili na lang muna si Rizal na mag-aaral at magsilbi sa mga pagamutan katulad ng sa klinika ng batikang optalmologo na si Professor Wecker sa Paris. Hindi man siya makapagpadala ng pera sa pamilya niya sa Calamba, Laguna, nahihiritan pa rin naman siya ng mga ito ng ilang mga bagay na ang ilan ay matatagpuan lamang sa Europa.

Humiling ang kapatid niyang si Lucia sa kaniya ng reseta sa pangangati (Mayo 23, 1883); impormasyon hinggil sa mga asukal sa Europa at lunas sa malaria naman ang hiling ni Paciano (1885 at 1886); ang bayaw na si Silvestre Ubalde naman ay humirit kay Jose na irekomenda siya nito sa dati niyang guro sa Ateneo na si Padre Federico Faura S.J. na pahintulutan siyang madestino sa Calamba (Abril 1885); at mga nobelang magaganda at masasaya naman ang hiling kay Rizal ng kapatid na si Saturnina (Oktubre 17, 1890).

Sa dakong huli, ang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ang pinaka-mahalagang package na ipinadala ni Rizal dito sa Pilipinas. Ang mga obrang ito ang magbibigay daan sa pagpapa-alab ng damdamin ng mga mamamayang Pilipino na sa kalaunan nga’y hahantong sa matagumpay na armadong rebolusyon ng Katipunan.

Enkwentro sa isang stranded na Pinoy

Hindi ba’t kailan lang ay bumalandra sa mga dyaryo at telebisyon ang kaawa-awang kondisyon ng daan-daang mga stranded na manggagawang Pilipino sa Gitnang Silangan? Sinong mag-aakala na may na-enkwentro ring palaboy na Pilipino sa Espanya si Rizal noong 1884!

Ikinuwento niya sa kaniyang pamilya noong Agosto 29, 1884 na may isang Pilipino – si Pedro Tobino na tubong Nagcarlan, Laguna – ang nabiktima ng panggogoyo ng mga masasamang loob sa Madrid. Nalimas sa kawawang si Tobino ang may tinatayang P1,150, ayon pa kay Rizal. “Now Tobino hasn’t a cent, roaming the streets of Madrid, dressed grotesquely, with a large silver star of false stones on his necktie and a sailor’s chain. I already advised him to return to Manila immediately, but he doesn’t want to, and he wants to get a job at any cost and to enjoy himself.”

Si Rizal sa rali

Bakas na din noon pa mang panahon ni Rizal ang militansya sa pakikibaka ng mga Pilipino sa ibayong dagat. Ang ating bayani nga noon ay minsang napasabak sa isang pag-aaklas ng mga estudyante sa Madrid noong 1884. Iprinotesta nila ang ang pagkakasibak kay Propesor Miguel Morayta dahil lamang sa talumpati nito ukol sa kalayaan ng mga mag-aaral. Nakiisa si Rizal sa demonstrasyon at sa panawagang boykot sa klase ng mga mag-aaral. Ngunit di tulad ni Rizal na suwerteng hindi naaresto, may dalawang Pilipinong estudyante ang nadakip ng pulis at isa naman ang nabugbog sa mga pagkilos na iyon.

“Here is the reason why I say that studying at Madrid disillusions me. It can no longer be an honor to anyone to come from this institution, dishonored, outraged, debased, oppressed, and tyrannized. Knowledge ought to be free and the professor as well,” saad ng liham ni Rizal sa pamiya noong 1884 kung saan idinetalye niya ang mga pangyayari sa pag-aaklas. Sinabi pa niya na hindi niya tatanggapin ang kaniyang diploma sa unibersidad kung mananatili pa rin sa puwesto ang inirereklamo nilang rector na si Creus.

Sabik sa Pilipinas

Pisikal na nawalay man sa lupang tinubuan, tila wala pa ring puwang sa puso’t isipan ni Rizal ang paglimot sa pamilya at sa inang bayan. Lagi siyang nasasabik sa anumang balita na galing sa kaniyang pamilya. Patunay dito ang liham ni Rizal noong 1884 :

When you write me, tell me about yourselves, your children, my brothers-in-law, and nephews inasmuch as it seems it is not so painful for you to write.” Ikinalulungkot palagi ng ating bayani kapag matagal hindi nakakasulat sa kaniya ang mga kapamilya.

Subalit, di pa rin mawaglit kay Rizal ang kaniyang masidhing interes sa kalagayang pang-ekonomya at pulitika sa Pilipinas. “The news that arrived here from that dear country concerning commercial as well as social life is very distressing…” sabi ni Rizal noong Nubyembre 16, 1884.

Partikular na nakatawag ng pansin sa kaniya ang mga ibinabalita ng Kuya niyang si Paciano na tumutumal ang benta ng pananim nilang asukal. Sinubok namang ipaliwanag sa kaniya ni Rizal ang dahilan nito sa pamamagitan ng liham noong Nubyembre 1884.

Dahil maalam sa pandaigdaigang kaganapan, tinukoy ni Rizal na marahil ang dahilan nito ay ang tratadong pinasok ng gubyerno ng Espanya sa Estados Unidos kung saan pahihintulutan nang pumasok sa merkado ng Amerika ang mga asukal galing sa Cuba at Puerto Rico. Nagpahayag na din daw ang Inglatera ng interes na pumasok sa kasunduang ito.

Ayon kay Rizal, nagbabadyang dumilim ang kinabukasan ng industriya ng asukal sa Pilipinas.

“Neither do you ignore that the only markets of Philippine sugar are New York, London, and Spain… If England succeeded in entering into this treaty, Cuban and Puerto Rican sugar will also have to be admitted to London and therefore, Philippine sugar, after a long voyage, paying high freight and duties, will be in a very unfavorable position and in little demand in the markets of the Peninsula, America, and England, and hence its complete and total ruin.”

“I told you that in view of the government’s blunder, the Philippine sugar trade will inevitably die within two or three years, because the clever minister of colonies has just negotiated a treaty with the United States — a death sentence for the Filipinos,” dagdag na kumentaryo ni Rizal noong Disyembre 17, 1884.

Binatikos din ng ating pambansang bayani ang di makatwirang buwis sa lupa sa Pilipinas. Isang mahabang sulat nga ang ipinadala ni Paciano kay Jose noong Agosto 29, 1886 na tila ay nagsusumbong sa litanya ng buwis na ipinapataw ng mga Kastila.

“The tax! With regard to your question on this, the answer is very long, as it is the cause of the prevailing misery here… Here there are many kinds of taxes. What they call irrigated riceland, even if it has no water, must pay a tax of 50 cavanes of palay (unhusked rice) and land with six cavanes of seed pay 5 pesos in cash. The land they call dry land that is planted to sugar cane, maize, and others pay different rates. Even if the agreed amount is 3O pesos for land with six cavanes of seed, if they see that the harvest is good, they increase the tax, but they don’t decrease it, if the harvest is poor…”

“The tax on the palay is separate from the tax on maize, mongo, or garlic. There is no limit to this tax, for they fix it themselves.”

Isa lamang ito sa mga kaaba-abang kondisyon sa Pilipinas na nagtulak sa mga destiyerong Pilipinong tulad ni Rizal para maglunsad ng kilusang propaganda at mangampaniya mismo sa Espanya para sa pagkilala sa karapatan ng mga Pilipino.

Ang inang nag-aalala

Sa mga panulat nila Rizal at kapuwa mga propagandista, tinurol nila ang kolonyal na pagsasamantala ng mga Kastila sa mamamayan.

Umabot sa Pilipinas ang talim ng mga kumentaryo ni Rizal, bagay na labis na nakapagpa-alala ng husto sa kaniyang mga magulang, lalo na sa inang si Teodora Alonzo.

Sa isang salo-salo noong 1884 para sa pagkapanalo ng mga Pilipinong pintor na sina Juan Luna at Felix Resurreccion Hidalgo, nagtalumpati si Rizal hinggil sa abuso ng mga prayle sa bayang tinubuan. Nagkasakit daw, sabi ni Paciano noong Nobyembre 5, 1884, ang kaniyang ina nang mabalitaan ang laman ng nasabing talumpati ni Rizal.

“You are the cause of her sickness and I’ll tell you why. About that time the talk here was the speech you delivered at the banquet in honor of the Filipino painters and commenting on it, there was one who asserted that you would not be able to come back, some that it would be desirable for you to remain there; others that you have made enemies; in short, there was not even wanting one who asserted that you have lost friends; but all are unanimous in saying that it was not convenient for you to return here. These gratuitous suppositions were the ones that afflicted very much our mother and made her sick.”

Hindi na nakapagpigil, lumiham na mismo sa kaniya ang ina noong Disyembre 11, 1884 para sabihan siya na mag-iingat at hangga’t maaari ay huwag na gumawa ng bagay na makakapagbigay ng kalungkutan sa kaniya.

“You don’t know the sadness that I feel every time I hear about you from people with whom I talk, so that I request you again and again not to meddle in things that will distress me. Well, I leave it to you to take pity on me.”

Agad namang pinayapa ni Rizal ang kaniyang ina sa pamamagitan ng kaniyang tugon na ito: I have tried not to draw the attention of anybody to my person. I have been told not to write; well, I’ve dropped the pen, the only instrument that I had which I was beginning to wield not very badly; and if sometimes I’ve picked it up, it was because powerful reasons have compelled me to do so, and even then I’ve concealed my name out of love for that obscurity that I need so much.”

“If in spite of this I still have enemies, well let them be! It is so difficult to live without troubles, but misfortune does not mean dishonor and misfortune is welcome if it will banish vilification and degradation… We have been born in the midst of a society whose political life is so anomalous that we have no other hope but to submit or to succumb: Whichever is preferable conscience will decide. Let us then trust in God and in the sincerity of our intentions. If wishing and desiring the good brings misfortune as reward, what should we do?…”

“I can repeat and say aloud that I’m the son of the most honorable man and most pious woman of my town, and may my parents never repent for having brought me into the world and if possible, may they at least feel satisfaction, if not pride, in mentioning me.”

Gaya ng inaasahan, hindi ikinatuwa ng mga upisyal ng pamahalaang kolonyal ang mga maiinit na pahayag ni Rizal. Pinabantayan ang lahat ng kaniyang kilos at galaw sa Espaniya. Naging malupit ang ganting salakay ang pamilya ni Rizal sa Calamba. Pinaalis sila sampu ng kanilang mga kababayan sa kanilang lupain at ipinatapon ang kaniyang mga kapatid at bayaw sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Dahil sa mga pangyayaring ito, ilang ulit iminungkahi ni Rizal na siya ay payagang bumalik na sa Pilipinas. Pero tutol dito ang kaniyang mga kapamilya. Sa sulat ng bayaw niyang si Manuel Hidalgo noong 1887, pinayuhan niya si Rizal na manatili sa ibayong dagat para magpatuloy sa kanilang layunin.

“Don’t come, we are very much persecuted. With the present ministry and this governor general, God knows where we are going to end. However, we have more than enough courage; all this here does not frighten us, come what may. We are not doing anything bad. Our objective is the welfare of the country and the government and we trust in God. But you, who are beyond these persecutions here, ought not to expose yourself to them. There, free from these fetters, you can work with freedom of action toward the same end.” Ilang ulit ding nakatikim ng pagpapatapon si Hidalgo sa Tagbilaran, Bohol dahil sa suspetsang siya ang kinatawan ni Rizal sa bansa.

Pati ang kaniyang tiyahin na si Concepcion Leyba ay tutol sa kaniyang pagbabalik. “At the end of your letter you said that you are returning soon. I would be very glad to see you here, but your return might be fatal. When are you coming? I believe it would be imprudent on your part to come at this time when we are badly off, and they want to do you as much harm as they can. You know your situation better than anybody else; nevertheless, it is my duty to call this to your attention and tell you to think it over carefully. I believe it is unwise for you to come home nor should you do so while it is like this, for I believe they will work very hard to make you disappear from the picture.”

Sa sobrang inis nga kay Rizal ng mga otoridad sa Pilipinas, umabot sila sa pagpapakalat ng intriga na kesyo namatay na daw sa lason itong si Rizal o kaya ay nakulong sa Madrid. May mga kumalat pa ngang nabayaran na daw si Rizal ng P100 kapalit ng kaniyang pananahimik. Tinawanan lamang daw ito ng mga Pilipino, sabi ni Hidalgo noong 1890, dahil halata naman kung kanino nagmumula ang mga intrigang ito.

Magpa-hanggang sa ngayon, maraming makabayang Pilipinong sa ibayong dagat ang walang sawang nagtataguyod sa interes ng bansa at ng mamamayan kahit pa makaranas ng iba’t ibang porma ng panunupil at represyon.

Patuloy ang atake sa demokratikong karapatan ng mga kababayan nating naka-exile, asylum seekers at mga refugees tulad na lang ni Propesor Jose Maria Sison at kaniyang mga kasamahan sa National Democratic Front of the Philippines.

Binabawalang mag-organisa ang mga Pilipinong migranteng manggagawa. Bukod pa rito ang kahindik-hindik at di na mabilang na kaso ng di pagpapasahod, pang-aalipin, pambubugbog, panggagahasa at pagpatay sa hanay nila.

Sa kabila nito, tuloy pa rin sila sa pagmumulat at paglaban. Tulad nila Rizal at mga kasabayang propagandista, ang mga pakikibaka at panawagan ng mga migranteng Pilipinong sa kasalukuyan ay nanunuot at direktang lumalatay sa bumbunan ng pabaya at mapang-aping mga kinauukulan.

Consummatum est?

Binaril sa Bagumbayan (Luneta) si Rizal noong Disyembre 30, 1896. Bagamat may pag-aatubiling suportahan ang pananandata ng Katipunan sa pangunguna ni Andres Bonifacio, kinilala pa rin siyang martir ng rebolusyong Pilipino.

Ilang saglit bago siya putukan ng naka-plankang mga guwardiya sibil, isang Kastilang duktor ang tumingin sa pulso ni Rizal. Normal daw ito. Nagsasalimbayan naman ng sigaw ang mga mamamayang nakapalibot. May ilang mga Kastila pa nga ang pinatahimik ng kanilang kumandante dahil pati sila ay nakikisigaw ng “Viva!”

Pagdaka’y umalingawngaw na ang mga putok. “Consummatum Est” (tapos na) ang huling salitang binigkas ng ating bayani bago nabuwal sa pagkakatayo.

Subalit, natapos na nga ba doon ang halaga ng pakikibaka ni Rizal?

110 taon makalipas, 34,581 na ang bilang ng mga dineploy na OFW (POEA 2006) mula Laguna, prubinsiyang sinilangan ni Rizal. Malakas na indikasyon itong wala pa ring kalayaan ang mga mamamayan sa Pilipinas.

Tanging sa panahon lamang na wala nang Pilipino pa ang napipilitang mangibang-bayan para lamang mabuhay, na wala nang pamilya ang nawawasak dala ng masidhing pangangailangan – maaari nating sabihing “Consummatum Est.” ###

Pinaghanguan:The life and writings of Dr. Jose Rizal, Letters between Rizal and family

1 Comment

  1. panget


Comments RSS TrackBack Identifier URI

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s