Sa aking pamelarisasyon

 

I

 

Hindi ka lamang dumating sa buhay ko;

sapagkat mula ng gabing iyon

ang buhay ko’y naging ikaw.

 

Kung alam mo lang sana

kung gaano katindi ang pagnanais kong angkinin

ang ipinaghihikbi mong wagas,

ngunit isinantabi lamang na pag-ibig.

 

Ako na lang sana ang bote ng alak

na nagpapatulog sa kalasingan ng iyong galit at pangungulila.

Sa punong hindi kailanman nagkalilim;

sa pader na walang sulat dahil tinanggihan mong makita.

 

Kung mayroon man akong natutunan noong gabing iyon;

iyon ay ang aking pagkaunawa sa tunay na ikaw,

sa payak mong pag-ibig na ang hangad lamang

ay ang payak nitong katumbas.

 

Nang gabing iyon, habang umiiyak ka sa aking balikat

Ay pinaglabanan kong sarilinin ang mga katagang “sana’y akin ka na lang.”

 

Nagkasya akong mangarap sa daigdig ng mga sana at dapat.

 

Dapat sana’y ako na lamang

ang palaging direksyon ng walang kaparis mong ngiti.

Ang palaging taga-hagod sa maganda mong buhok.

Ang inspirasyon at laman ng iyong mga tula.

 

Pinangarap kong mukha mo ang palaging bubungad sa aking mga umaga,

pupuno ng pagmamahal sa aking mga araw at siya ring lulubos sa aking mga gabi.

 

Ang sarap sigurong makatuwang ka

sa pareho nating walang kasing wagas na nilalayon,

at mahalin ka habang magkasabay nating binabagtas

ang landas ng walang katumbas na pagmamahal sa bayan.

 

Tinuruan mo akong umibig sa iyo.

  

II

 

Hindi krimen ang ibigin ka,

Krimen ang pasakitan ka.

 

Alam kong marami na rin akong nagawang hindi tama sa aking nakaraan,

ngunit sa pagkakataong ito’y alam kong ikaw na ang pinaka-tama kong ginawa.

 

Gusto kong sumabog sa pinagsalong hiya at pananabik

habang idinadaan ko sa luha ang hindi ko masambit.

 

Kinailangan ko pang manghiram ng tapang

para lamang maibuyangyang ang damdamin ko sa iyo.

Ngunit ng gabi ring iyon ay kinumpleto mo ako,

nang sabihin mong ako rin ay mahal mo.

 

Pinagod mo ang pagod ko sa maghapon nating lakad, sigaw, takbo sa lansangan;

sa gitna ng malakas na ulan nang araw na iyon.

 

Nilasing mo ang kalasingan sa aking sistema,

ng suklian mo ng yakap ang aking pagtatapat.

 

Mula ng gabing iyon ng ating pag-iisa,

maging ang oras ay kinulang sa eksplanasyon sa ating pagmamahalan.

 

Naiba ang depinisyon ng kilig,

nagkaroon ng bagong pakinabang ang ulan;

bagamat naging apat ang daigdig na ating iniinugan.

 

Isa habang kapiling ka sa sarili nating panahon,

sa Muñoz, sa Luzon at sa piling ng lahat;

kung saan tayong dalawa ay isa lamang imahinasyon.

 

Pinupunit ang puso ko sa tuwing matatantong

hindi maaaring ipagsigawan ang pag-ibig natin sa isa’t isa.

 

Sa tuwing magkakasya na lang ako sa sulyap at tango

imbis na mga halik at yakap.

 

Sa mga pangungumustang pareho naman nating alam na walang laman,

sapagkat magkasama tayo ng buong magdamag.

 

Ngunit sa kabila nito’y alam kong hindi madamot ang mundo.

Dahil ako’y nagkaroon ng ikaw at ika’y nagkaroon ng ako.

Kahit ilang ulit pang mapunit ang puso ko,

tiyak naman akong mabubuo itong muli sa piling mo.

 

Hayaan mong tapusin ko ang odang ito,

sa taos kong pasasalamat sa aking pamelarisasyon.

Tanggapin mo at paka-ingatan ang pag-ibig kong alay sa iyo,

na kasing tiyak ng pagbabangon ng api. Kasing tiyak ng rebolusyon.

 

 

 

Para kay Pamela

Setyembre 21, 2006

Leave a comment

No comments yet.

Comments RSS TrackBack Identifier URI

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s