Kasaysayan ng gahasa, abuso ng tropang Kano sa Pilipinas

Habang inilulunsad ngayon sa isla ng Mindanao ang Balikatan US-RP Military Exercises na nilalahukan ng mahigit 6,000 sundalong Amerikano, isang malaking sampal sa pambansang dignidad ang balitang isang Pilipina ang kasama sa dalawang babaeng ginahasa ng mga sundalong Amerikano sa Okinawa, Japan kamakailan. Ngunit kung ang bansang Hapon sampu ng ilan sa kanilang liderato ay nagkakaisang nagpupuyos sa presensya ng mga tropang Kano sa kanilang bansa, tila tahimik naman sa isyu ang palasyo ng Malakanyang. 

Ang panibagong paglapastangan na ito ay nagbunsod sa Migrante International,  pandaigdigang samahan ng mga Pilipino sa ibayong dagat, na kundenahin ang nasabing insidente at batikusin ang pananahimik ni Pangulong Arroyo at ng Department of Foreign Affairs (DFA). 

Ani Connie Bragas Regalado, taga-pangulo ng Migrante, sadyang mahirap sikmurain ang balitang mayroon tayong kababayan na dumanas ng abusong sekswal mula sa kamay ng sundalong Amerikano sa Japan habang libo-libong tropang Amerikano ang buong layang gumagala ngayon sa ating bansa sa tabing ng ehersisyong militar. Idinagdag pa niya, para daw tayong ginahasa ng dalawang ulit bilang isang bansa. 

Kaya naman nanawagan sila para sa hustisya sa ating kababayang biktima sa Japan, sa agarang pagpapalayas sa mga sundalong Amerikano na narito ngayon sa Pilipinas at sa pagbabasura sa makaisang panig na Visiting Forces Agreement (VFA) na siyang tuntungang legal ng walang katapusang Balikatan exercises sa Pilipinas. 

Sa napabalitang panggagahasa sa Pinay sa Japan kamakailan, sinariwa nito ang kaso ni ‘Nicole,’ ang 22-anyos na Pilipinang pinagtulungang pagsamantalahan ng anim na US Marines noong Nubyembre 1, 2005.  Binalik din nito ang pait ng kawalan ng hustisya sa ating bansa, ang arogansya ng Estados Unidos at ang pagpapaka-tuta dito ng ating pamahalaan. Matatandaang, 25 araw matapos hatulang nagkasala si Lance Corporal Daniel Smith sa panggagahasa kay Nicole noong Disyembre 4, 2006, hinatid mismo ang rapist na si Smith ng mga operatiba ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa embahada ng Estados Unidos. 

Ang hakbang daw nila na ito ay sa bisa umano ng kasunduang nilagdaan nina DFA Sec. Alberto Romulo at US Ambassador Kristie Kenney na alinsunod rin sa mga itinatadhana ng VFA. Mula noon, naglaho na ang tsansang mabibigyan pa ng katarungan ang ginawang kahayupan kay ‘Nicole.’ 

‘Inmates of the den’

Lingid sa kaalaman ng marami, nakaugat na sa kasaysayan ng Pilipinas ang paglapastangan ng mga tropang Amerikano sa ating mga kababaihan at mamayan. Bakas na ang kanilang kahayupan magmula pa noong unang tumapak sila sa ating kapuluan para tayo ay kolonyahin. 

Nakatala sa artikulong “The Crowning Infamy of Imperialism” ng  American League of Philadelphia noong 1900 na mayroong 200 casa (bahay) ng prostitusyon ang direktang kontrolado ng US Military Government sa lungsod ng Maynila pa lamang. At para makatiyak na walang nakakahawang sakit ang mga babaeng tinatawag nilang “inmates of the den,” regular na nag-iinspeksyon ang Department of Municipal Inspection, isang ahensya ng gubyernong militar, sa mga casa na ito. Napaulat ring nagpatayo ng tatlong casa ang US Military Government sa isla ng Jolo, isa para sa mga upisyal militar at ang dalawa naman para sa mga tropa.  Kumuha pa nga sila ng mga babae mula sa bansang Hapon para dito. 

Mula noon, naging kalakaran na ang pagkakaroon ng mga bahay aliwan malapit sa kung saan naroroon ang mga tropang Amerikano. Nang napaalis ng mamamayan ang base militar ng US sa Pilipinas noong 1991, mayroon nang 2,182 na mga bahay aliwan o mga ‘rest and recreation sites’  at tinatayang 50,000 hanggang 55,000 mga kababaihang nabitag sa prostitusyon sa mga syudad ng Angeles at Olongapo pa lamang. 

Hindi lamang mga Amerikanong sundalo ang namumugad sa mga bahay aliwan na ito, pati mga sexually transmitted diseases (STD), kriminalidad at karahasan sa mga kababaihan ay talamak rin. 

Ayon sa IMA Foundation, tinatayang 30% sa 10,000 kababaihang nasa prostitusyon sa Angeles, Pampanga ang nagkaroon ng sakit na gonorrhea at syphilis. Noong 1983, 18 menor-de-edad ang nahawaan ng AIDS matapos ibenta ang kanilang laman sa mga tropang Amerikano sa Subic. Mas masahol pa, isang 18 buwang gulang na sanggol ang nadiskubreng mayroong gonorrhea (sakit na nakukuha lamang sa pakikipagtalik) noong Enero 1990. Tatlo sa mga pangunahing suspek sa karumaldumal na krimen na ito ay mga sundalong Amerikano na noon ay kasama ng sanggol at ng kaniyang ina sa kanilang tinutuluyang apartment. 

Mula taong 1981 hanggang 1988, 3,274 na kaso ng karahasan at pang-aabuso ang isinampa laban sa mga tropang Kano na naka-istasyon sa Subic at sa Clark. Nakatala rin sa records ng Olongapo City Prosecutors Office na 15 sa mga kasong isinampa laban sa mga Amerikano noong 1981 hanggang 1988 ay kinasangkutan ng mga kabataang edad 11 hanggang 16. Pawang walang kinahinatnan ang mga kaso. 

Balikatan?

Bukod sa prostitusyong militar at pagsasamantala sa ating mga kababaihan, hindi rin nakalagpas ang mamamayang Pilipino sa samu’t-saring mga atraso at pang-aabuso ng mga tropang Amerikano. 

Idinetalye ni Sittie Rajabia Sundang, Secretary-General ng Kawagib Moro Human Rights, ang mga patong-patong na mga kasalanan ng mga Amerikano simula ng tumapak sila sa Katimugang bahagi ng bansa noong 2002 para sa sunod-sunod na mga Balikatan.

Kabilang aniya sa mga ito ay ang pamamaril sa magsasakang si Buyung-Buyung Isnijal ni Sgt. Reggie Lane noong Hulyo 27, 2002 sa Tuburan, Basilan at ang pagkakasugat dahil rin sa pamamaril kay Arsid Bajarun habang nagsasanay ang mga Amerikano sa Zamboanga City noong 2004. 

Ang pagkamatay dahil sa atake sa puso dala ng matinding takot ni Sardiya Abu Calderon nang lumapag ang isang helicopter na may lulang dalawang sundalong Amerikano sa kaniyang lupain noong Agosto 2004. At nito lamang Pebrero 2008, sinalaysay ni Sandrawina Wahid na kabilang ang mga sundalong Amerikano sa mga tropang nangmasaker ng walong sibilyan sa Maimbung, Sulu. 

Ikinagalit rin ng direktor ng isang ospital sa Panamao, Sulu ang pangingi-alam sa kanilang operasyon at pananakot ng mga tropang Amerikano. Ayon kay Dr. Silak Lakkian ng Panamao District Hospital, noong Nubyembre 30, 2007 isang Master Sgt. Ronburg umano ang nagbanta sa kaniyang mga staff na papuputukan sila ng baril kung hindi sila magsasara ng alas-sais ng hapon. 

Paglabag sa soberanya

Para kay Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, na kasama sa libo-libong nagprotesta sa pormal na pagbubukas ng Balikatan 2008 sa Mindanao kamakailan, ang nagpapatuloy na presensya ng mga tropang Amerikano sa ating bansa ay malinaw na paglabag sa natitira pang soberanya ng Pilipinas. Ayon sa kaniya, pambabastos din ito sa ating Konstitusyon na ipinagbabawal ang pagtapak ng mga dayong tropa sa bansa.

“The US is circumventing the country’s Constitutional ban on foreign troops,” ayon kay Ocampo. “This trampling upon our sovereignty by the US has been made possible with the subservient consent of the Arroyo administration.”

Dagdag pa niya, sa loob lamang ng pitong taon, nagkaroon ng 24 na ehersisyong militar sa bansa at ang karamihan dito ay inilunsad sa mga aktuwal na ‘combat areas’ sa Mindanao. Ang lahat ng ito aniya ay nakakalusot dahil na rin sa mga maka-Amerikanong Mutual Defense Treaty at VFA. 

Kaya naman, nanawagan ang militanteng Congressman ng agarang pagpapalayas sa mga tropang Amerikano sa bansa at sa pagbabasura sa VFA at iba pang mga maka-isang panig na kasunduang militar sa pagitan ng US at Pilipinas. ###

 

Sources: The Social Cost of US Military Presence, Emmi A. De Jesus – 09 Dec 2006; Gabriela; Migrante International; Philippine Daily Inquirer; Bulatlat.com; Kawagib Moro Human Rights organization .

3 Comments

  1. sana hindi nalang ginawa un ng mga hapon sa mga kababaihan noon. napakasama ng mga hapon noon.

  2. ang ating bayan ay patuloy nanakagapos at nakalugmok sa dayuhang paninikil, walang kalayaan sa isang bansang walang kamulatan, IPAGPATULOY ANG LABAN.

    Maraming salamat sa pagbabahagi nito sa lahat ng mga mamayang Pilipino nagnanais na magpatuloy na mamulat at magaral ng lipunan kibibilangan at ng bayang minamahal.

    patuloy sa pagiging mapanuri at kritikal bunga ng mga katulad nitong mapagpalaya sa kaisipan at kamalayang pagka-Pilipino.

    Salamat Amigo!

  3. panget mo !!!
    joco to no


Comments RSS TrackBack Identifier URI

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s