Pagsasaling-lahi ng diwa ng Sigwa

ni Bonifacio Ilagan

NAKAILANG ulit nang lumapit ang mga pulis-Maynila sa isang tumpok ng may edad na kalalakihan sa Morayta, sa bukana ng Far Eastern University. Magalang silang nagtanong. Ano’ng meron. Ano’ng okasyon. Bakit may rali. Ano ang mga kahilingan.

Gustong isagot ng mga nagsisitandang aktibista: Ang mga kahilingan ay kung ano ang mga daing ng taumbayan noong 1970, gaya ng kahirapan, kabulukan sa gobyerno, kawalan ng tunay na kalayaan at demokrasya. Pero ang sinabi nila ay rali lamang iyon ng paggunita sa First Quarter Storm ng 1970.

Nakihunta na ang koronel ng Manila Police District. Wika niya, estudyante siya sa Philippine College of Criminology noong 1970, at natatandaan niya ang dalawang aktibistang tagapangulo ng kanilang student council noon. Noon kasi, kahit ang eskuwelahan ng mga gustong magpulis, hindi lang ang University of the Philippines o Philippine College of Commerce, ay pugad ng aktibismo.

Late na naman, gaya ng dati, ang mga aktibista ng kasalukuyang panahon, kaya hindi masimulan ang martsa. Alas nuwebe pa’y naroon na ang trompa ng Kilusang Mayo Uno, na hiniram para sa okasyon. Isa-isa nang inilabas ang mga istrimer. Nakasulat sa mga iyon ang pangalan ng iba’t ibang organisasyong aktibo noong 1970. May pangkomunidad, gaya ng Kilusang Kabataan ng Makati, Samahang Makabayan ng Pandacan.

May pambansa, gaya ng National Union of Students in the Philippines at National Students League. May sektoral, gaya ng US Tobacco Corp. Labor Union at Malayang Samahang Magsasaka. May istrimer din siyempre ang Samahang Demokratiko ng Kabataan at ang tumayong Bagong Alyansang Makabayan noon, ang Movement for a Democratic Philippines.

Ibinaba ng isang lalaki ang bukodtanging pulang istrimer. Huwag mo munang iladlad, sansala ng isa. Pero may pahabol: Silipin nga natin kung nakuha ang estilo ng pagsusulat ng Kabataang Makabayan.

Nagsimula na ang martsa. Kaunti lamang sila, mahigit 50 lamang, mga bata at matandang aktibista. Halos lahat ay may taglay na istrimer at bandilang pula.

Binasa ng tagapagsalitang nakasakay sa dyip ang pahayag ng FQS Movement. “1970: Isang sigwang walang kaparis ang nag-alimpuyo sa Pilipinas. Ang sigwa ay nagsilbing eskuwelahan ng kabataan ukol sa mga tunay na araling panlipunan, proseso ng pagmumulat sa sarili habang nagmumulat ng iba, dakilang pagsasamahan sa ngalan ng bayan at kalayaan, larangan ng pakikibaka para sa hustisya sosyal at pambansang demokrasya. Sa loob ng unang tatlong buwan ng 1970, ang toreng garing ng mga mapang-api’t mapagsamantalang naghaharing uri ay niyanig ng isang kilusang nanawagan: Ipagpatuloy ang naantalang rebolusyon ng mga Andres Bonifacio!”

Nakinig ang mga tao sa kalye, maging ang maraming pulis na nakahanay sa halos magkabilang panig patungong Mendiola. Kakaiba ito, isip nila marahil. Malayong kasaysayan ang tinatalakay.

Nagpatuloy ang martsa at ang pahayag sa trompa: “2008: Ang simulain at mga panawagan ng Sigwa ng Unang Kuwarter ng 1970 ay nananatiling mataginting sa kabuluhan at katotohanan. Sapagkat ang sambayanan ay patuloy pa ring pinahihirapan ng mga puwersang sapul simula’y mapang-api at mapagsamantala. Dahil umiiral pa rin ang malakolonyal at malapiyudal na kaayusan. Sapagkat kung may Marcos noon, may Gloria ngayon. Magkaibang papet, ngunit kapwa pinagagalaw ng iisang panginoo’t sandakot na interes. Iisang bulok at pasistang sistema ang pinamumugaran.”

Sa tulay ng Mendiola, nakahanay na ang tatlong salansan ng riot police. Tuluy-tuloy ang dyip na may trompa. Tuloy rin ang pahayag: “Makatuwiran ngang panatilihing buhay at maalab ang diwa ng Sigwa ng Unang Kuwarter ng 1970. Noon at ngayon, makatuwiran ngang maghimagsik!”

Nakamata ang mga tao. Hindi nagpepreno ang dyip na may trompa. Tutuloy ba ito sa tulay ng Mendiola? Bakbakan ito tiyak. Wala pang raliyistang pinapayagang tumuntong sa tulay.

“Mangalagas man ang mga aktibista ng nakaraang panahon, lagi’t laging sisilang, magpupunyagi at susulong ang mga bago. Ang pamana ng Sigwa ng Unang Kuwarter ng 1970 ay naiabot at tinanggap na ng mga sumunod na henerasyon – at wala anumang puwersa ang makakapigil sa pagsasaling-lahi ng dakilang pamanang ito!”

Agad lumapit ang isang pulis-opisyal sa dyip na pumarada sa mismong tulay. Marahil ay namangha ang madla. Hindi sumugod ang nakapormang mga pulis. Nangantiyaw lamang. Nag-usap ang opisyal at ilang lider ng rali. Tapos, simula agad ng programa.

Ipinakilala ng batang MC ang bulto ng mga demonstrador – mga tatay at nanay natin na hanggang ngayon ay aktibista, sabi niya. Walang kasawa-sawa, walang kadala-dala, sigaw ng ilang pulis. Tawanan ang mga pulis.

Nagsalita ang tagapagsalita ng FQS Movement, na naghudyat upang iladlad na ang pulang istrimer ng Kabataang Makabayan. Nagdiin siya sa mensahe — “Noon at ngayon: Ibagsak ang imperyalismo, katutubong piyudalismo at burukratang kapitalismo! Durugin ang pasismo ng estado! Paglingkuran ang sambayanan! Makibaka, huwag matakot!”

Mariin ang tugon ng mga bata at matandang aktibista: “Makibaka, huwag matakot!” May sumigaw pa ng “Ipagtagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon!” Hindi na tumatawa ang mga pulis.

Advertisements

Panawagan sa dalawang nagbabanggaang higanteng istasyon:

Isantabi muna ang ‘ratings war’, ituon ang bira sa mas malaking kaaway

Rindi na ako sa walang katapusang palitan ng akusasyon at paliwanag ng magkaribal na istasyong ABS-CBN at GMA-7. Minsan nga nanghihinayang na lang ako sa dami ng air-time na inilalaan para sa mga ito sa telebisyon at radyo dahil alam kong napakarami pa sanang isyu ng mamamayan ang mas nangangailangan maibrodkas at maipahatid.

Pero sa totoo lang, wala naman talaga akong nakikitang ganansya para sa masa sa bangayang ito ng dos at siyte. Pawang mga advertisers at ang istasyon lang naman ang nakikinabang dito. Tapos gusto nilang isangkot ang mamamayan! Sa interes daw umano ng katotohanan, e ni hindi nga gagap ng masa kung ano ba ang pinag-aawayan nila.

Kung kaya naman pati ako, napilitang alamin kung ano nga ba talaga ang bangayang ito at totoo ba na interes ng katotohanan ang motibasyon ng dalawang magkalabang istasyon.

Ratings? Ano ulet?

Sa aking paghahanap ng kasagutan, napag-alaman ko na itinuturing pala ng mga broadcast stations, advertisers at advertising agencies ang ratings bilang “Common Currency” dahil dito nalalaman kung saang programa maglalagay ng patalastas ang mga advertisers; at para naman sa mga broadcasters, malalaman nila hindi lamang kung gaano na ka-patok ang kanilang mga programa pati na rin kung magkano ang sisingilin nila sa mga advertisers na gustong mag-anunsyo ang kanilang mga produkto o serbisyo.

Television Audience Measurement o TAM ang tawag sa proseso ng pag-alam nila dito. Isa itong sangay ng media research na nakatuon sa pagtukoy sa detalyadong impormasyon ukol sa telebisyon at mga manonood.

Ayon sa AGB-Neilsen Media Research ang ratings raw ay ang “percentage of a given population group consuming a medium at a particular moment.” In short, sukatan kung gaano ka-patok ang programa o mga programa ng isang istasyon sa mga manonood. Ayon pa rito, ang isang puntos sa ratings ay katumbas, sa pangkalahatan, ng isang porsyento ng isang takdang populasyon o grupo.

Kaya naman pala katakot-takot na salapi ang ibinubuhos dito ng ABS-CBN at GMA-7 at kung bakit ganoon na lang sila kasugid na ibirit pa ang awayan nila sa telebisyon at radyo kahit pa nagpahayag na ng pagkainis rito ang mga manonood maging ilan sa mga advertisers.

Noong kalahati pa lang kasi ng taong 2007, tumaas ng 20% o P6.2 bilyon ang gross air-time revenue ng ABS-CBN. Resulta raw ito ng “improving ratings” at “higher advertising volume.”

Ang GMA-7 naman samantala, tumaas rin ng 20% ang net income para sa taong 2007. Umabot sa P10.83 bilyon ang gross revenue ng Kapuso network noong nakaraang taon.

Iba pala talaga ang nagagawa ng umuungos sa ratings. Bilyones ang nakataya.

Ang mas malaking kaaway

Pero tila nahumaling na sa awayang ito ang dalawang dambuhalang istasyon. Habang abala sila sa kanilang ‘ratings war’, binabalahura na ng administrasyon ni Gloria Arroyo ang mga mamamahayag at iba pang mga kasapi ng media.

Sa inilabas nitong babala na haharap sa kasong kriminal ang mga media na nagkokober sa mga kudeta o mga pampulitikang pag-aalsa kamakailan, pinakita nito na wala talagang sasantuhin ang rehimeng Gloria. Kahit pa mga media na naghahatid lamang ng impormasyon sa mga mamamayan at kahit pa ang karapatan sa pamamahayag at sa impormasyon ay protektado ng ating Saligang Batas.

Matatandaang lagpas 30 kasapi ng media na nag-kober sa bigong pag-aalsa ng Magdalo sa pangunguna ni Sen. Antonio Trillanes at Brig. Gen. Danny Lim sa Manila Peninsula Hotel ang pinaghuhuli ng Pulis, pinosasan at saka idinetine dahil naka-sagabal daw umano sila sa operasyon ng Kapulisan.

Kamakailan rin, naligo sa batikos ang gubyerno dahil sa halatang pagpuntirya nito sa mga mamamahayag. Sukat ba namang sabihin na isang babaeng reporter daw ang nagpatakas kay Marine Capt. Nicanor Faeldon na kasama nila Trillanes sa pag-aalsa. Bukod sa kulot ang buhok nito, ayaw namang pangalanan ng Pulisya ang nasabing babae.

Kaya naman sumugod na sa Korte Suprema ang mga mamamahayag, partikular ang ABS-CBN, para humingi ng proteksyon sa pamamagitan ng Writ of Amparo. Di daw sila papayag na basta basta na lamang takutin ng gubyerno, bagay na pinapurihan ng pandaigdigang samahang International Federation of Journalists (IFJ).

Kung tutuusin, hindi ba’t parang ginagamit lamang na palusot ng gubyerno ang mga media para umiwas sa kahihiyan na natakasan sila ulit ni Faeldon? Sa pagkakatanda ko, 1,500 ang armadong mga pulis at sundalo na sumugod noon sa Manila Pen, may gamit pa silang armored personnel carrier na sumira sa entrada ng mamahaling hotel.

Kailangang maunawaan ng ating mga Kapuso at Kapamilya na ang nagaganap na largadong intimidasyon sa media ay naka-ugat sa matinding kagustuhan ni Gloria sampu ng kaniyang mga alipores sa Kapulisan at Militar na kumapit sa poder ng kapangyarihan.

Bukod sa mga aktibista, alagad ng simbahan at mga human rights workers, hindi ba’t kasama ang mga mamamahayag sa dumaraming bilang ng mga nililikida sa ilalim ng administrasyon? Pumapangalawa na nga ang Pilipinas (sunod lamang sa Iraq na dinidigma) sa mga bansang delikado para sa mga journalists. At ano ang komon sa kanila? Lahat sila binatikos ang bulok na pamamalakad ng gubyerno at nanawagan ng pagbabago.

Walang pinaka-mahigpit na tungkulin ngayon ang sektor ng media kundi ang harapin ang laban nito sa mas malaki pang kaaway, langgam kung ihahambing sa pinagkaka-abalahan nitong ‘ratings war’.

Kakapit-bisig ng mga mamamayan, kailangan nilang magsama-sama ngayon at manindigan laban sa lantarang panunupil, intimidasyon, pandaraya at pandarambong ng kasalukuyang administrasyon ni Gloria. Di matatawaran ang saklaw ng kakayanan ng media na humamon sa harap-harapang pang-babastos ng kasalukuyang administrasyon sa Konstitusyon para lamang pagsilbihan ang pansariling interes.

Ngayon, higit kalian man, kailangang mangibabaw di lamang sa ABS-CBN at sa GMA Network kundi sa kabuuan ng sektor ng media ang sagradong tungkulin nito na pumanig sa katotohanan at sa katarungan.

“In the Service of the Filipino” ika nga ng ABS-CBN at “Serbisyong totoo lang” ayon sa GMA-7. Pinatunayan na nila ito noon sa panahon ni Marcos at Estrada. Kayang kaya ito ulit ngayon sa panahon ni Gloria. ###

Karera sa Palasyo, umpisa na!

Dalawang taon bago ang eleksyon:

Karera sa Palasyo, umpisa na

Kasabay ng pagsisimula ng taon, nag-umpisa na rin ang pusisyunan at balyahan sa pinaka-magulong sirkus sa Pilipinas na mas kilala sa katawagang “Presidential elections.” Hindi pa man humuhupa ang usok mula sa mga paputok at pailaw na ipinang-salubong natin sa bagong taon, isang dosenang pangalan ang agad na lumutang na susubok umanong masungkit ang pinaka-mataas na pusisyon sa pamahalaan. Ang bilang na ito marahil ang pinaka-malaki sa kasaysayan ng bansa.

Nag-umpisa ang lahat nang isapubliko ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada, ilang araw bago matapos ang taong 2007, ang kaniyang kahandaan na tumakbo bilang pambato ng oposisyon kung ito naman ay magiging hati-hati at mabibigong magkaisa. Ayon sa kaniya, hindi na daw dapat hayaang maulit ang nangyari noong eleksyong 2004 kung saan dalawang kandidato mula sa oposisyon ang tumakbo bilang Pangulo, sina Fernando Poe Jr. (FPJ) at Panfilo “Ping” Lacson. Isang malaking pagkakamali raw ito ayon kay Erap dahil nahati nito ang dapat sana ay solidong boto para sa oposisyon.

Walang isang linggo matapos ang pasabog na pahayag ni Erap, nag-umpisang magsisulputan ang mga pangalan na umano’y aasinta rin sa Palasyo. Anim sa kanila ang mula sa oposisyon at anim rin ang galing sa administrasyon.

Karaniwang hinugot mula sa bakuran ng Lehislatura (Senado) ang mga kandidato ng oposisyon. Sila ay sina Senate President Manuel Villar (Nacionalista Party), Loren Legarda (Nationalist Peoples’ Coalition), Manuel “Mar” Roxas II (Liberal Party), Ping Lacson at Francis “Chiz” Escudero (NPC). Isa naman ang galing sa antas lokal, si Makati Mayor Jejomar Binay na siya ring tumatayong Pangulo ng United Opposition (UNO).

Samantala, halos manggaling naman ang lahat ng pambato ng administrasyon sa sangay ng Ehekutibo. Naging matunog ang pangalan nila Bise Presidente Noli “Kabayan” de Castro, Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando at Defense Secretary Gilbert Teodoro. Kabilang rin sa napipisil ng administrasyon sina Senador Richard Gordon at Quezon City Mayor Feliciano Belmonte.

Bukod tangi sa mga manok ng administrasyon si Fernando na nagdeklara na ngayon pa lang ng kaniyang kagustuhang maging ‘standard bearer’ ng Lakas. “Yes, I want to run” ani Fernando na dati ring Mayor ng Marikina bago niya pamunuan ang MMDA. “You can’t be too coy about this. You have to let people know what you want” dagdag pa niya.

Balyahan

Gaya ng inaasahan, nagsimula na ring uminit ang kani-kaniyang bidahan at patutsadahan ng magkabilang kampo.

Minaliit ng oposisyon ang kakayahan ng administrasyon na maka-ungos sa 2010. Ayon kay Atty. Adel Tamano, tagapag-salita ng UNO, kahinaan nang maituturing ang mismong mapabilang ka lang sa administrasyon. Pinatunayan na ito noong nakaraang eleksyon kung saan marami sa pambato ng Team Unity sa pagka-Senador ang kumain ng alikabok dahil na rin sa tsapa ng administrasyon ang kanilang dinala..

Kahit pa kinikilala nila bilang pinaka-malakas na katunggali sa 2010 ang Pangalawang Pangulo, kumpiyansa naman si Tamano na kayang-kaya nilang talunin si de Castro. “[He] has the same built-in weakness in that he is with the administration” sabi niya.

Sinegundahan din ito ni Cagayan Rep. Rufus Rodriguez, dating tagapag-salita ni Erap, na nagsabing ‘beatable’ si de Castro dahil na rin sa plakdang ratings ng administrasyon.

Sa kabilang banda, tiwala naman si Sen. Juan Miguel Zubiri, Secretary General ng Partidong Lakas, na liyamado pa rin si de Castro. “One of the factors that seem to be on Noli’s side is his loyalty to the administration in the last five years. That [partly] explains why some members of the party are pushing for his endorsement.”

Partikular na tinukoy ni Zubiri ang kahusayan ni de Castro sa pagpapatupad mga programa ng pamahalaang Arroyo lalo na sa sektor ng pabahay. Sa personal namang pagtaya ni Presidential Management Staff Chief Cerge Remonde, si de Castro na nga ang malamang na manok ng administrasyon sa 2010.

Pero hindi pa rin ganap na kumbinsido rito si Lakas Executive Director Ray Roquero. Bagamat tanggap niyang malakas na pambato nga si de Castro, dapat raw ay dumaan pa rin ito sa proseso ng pagpili ng naghaharing partidong Lakas.

“We are the defending, reigning champion. We won back-to-back [in the 2004 polls].As the dominant majority party, we will be the one to choose. They should go through a process. All others are miniscule parties. They simply want to attract new members, so they float names” ani ni Roquero pero dinagdag niyang maaari naman nilang “ampunin” si de Castro. Hindi raw kasi miyembro ng Lakas si de Castro di gaya nina Fernando at Belmonte.

Tinaasan naman ng kilay ni Senador Alan Peter Cayetano ang kabi-kabilang pusisyunan ng mga kandidato sa ngayon. Sa isang pahayag sinabi niya na pumupustura lamang ang mga ito para lumarga ang tsansa nila na mapili bilang kandidato sa pagka-Pangalawang Pangulo o Senador ng mga malalaking Partido.

Gapangan

Matapos maglutangan ang isang dosenang mga “Presidential wannabes,” umalingasaw na rin ang simula ng gapangan at pagpapalitan ng kabayo ng mga kandidato at partido.

Uumpisahan na ng administrasyon sa lalong madaling panahon ang pagbubuo ng koalisyon, ayon kay National Security Adviser at Presidential Adviser on Political Coalition Affairs Norberto Gonzales. Layon umano nito na patatagin ang kakayanan ng administrasyon sa 2010.

Ang partidong Lakas naman, magdadaos ng kumbensyon sa darating na Enero 17-18 sa Manila Hotel para pag-aralan ang pusisyon nito sa pakikipag-koalisyon sa ibang mga partido. Pamumunuan ito ng “Big Three” ng naghaharing Lakas – sina Pangulong Arroyo, House Speaker Jose de Venecia at dating Pangulong Fidel Ramos.

Matatandaang ibinunyag ni Sen. Zubiri kamakailan na lumapit na umano sa Lakas ang partidong NP at NPC para humingi ng suporta. “Even Manny (Villar of the NP) and Loren (Legarda of the NPC) have spoken to me personally on a possible coalition.” Tahasan naman itong itinanggi ni Legarda.

Gutom pa rin ang sambayanan

Habang abala na sa kani-kaniyang ambisyon ang mga pulitiko, lugmok pa rin sa hirap ang mga mamamayang Pilipino.

Ayon sa grupong IBON Foundation, mas matinding pagdurusa ang haharapin ng mga mamamayan ngayong taon lalo na sa gitna ng di mapigil na pagtaas ng presyo ng langis at sa napipintong pagtaas ng bayarin sa tubig at kuryente. Sinabi ng grupo, ang mga ordinaryong kabahayan sa ngayon ay gumagastos ng karagdagang P76.94 sa isang tangke ng LPG na nagtaas ng halos apat na Piso nitong nakaraan. Ang mga tsuper naman samantala, kailangang triple ang kayod para lamang mapakain ang pamilya. Noong isang taon, tumaas ng P147.30 ang arawang gastos sa diesel ng mga tsuper.

Nakaka-alarma rin ang paglala ng krisis sa edukasyon. Umaabot na ngayon sa 12 milyon ang mga ‘out of school youths’ at 25% ng mga nasa elementarya ang tumitigil na lamang sa pag-aaaral. 16% naman ang sa hayskul, dumoble sa panahon lamang ni Arroyo.

Pati mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng mataas na halaga ng Piso ay dumaraing na rin. Kailangan na rin nilang mag-triple kayod sa ibayong dagat para lamang maka-agapay ang kanilang mga pamilya na naririto sa Pilipinas.

Tunay ngang nag-umpisa na ang pinaka-magulong sirkus sa Pilipinas. Sa kani-kaniyang kayuran ng mga pulitiko at partido, asahan na natin ang maramihang baligtaran, trayduran at tirahan sa mga susunod na araw at buwan. Marami ang mabubusog, ang kakapal ang mga bulsa.

Pero ang nakararaming Juan at Maria, gutom pa rin at hilahod sa kahirapan.