Pagsabog sa Batasan, dinig sa ibayong dagat

Dumagundong maging sa ibayong dagat ang mapamaslang na pagsabog sa gusali ng Batasang Pambansa noong gabi ng Nubyembre 13, 2007.

Sa nasabing pagsabog, apat ang kaagad na namatay kabilang ang Kongresista ng Basilan na si Rep. Wahab Akbar. Kasama sa mga nasawi sina Junaskiri Hayudini, staff ni Rep. Akbar, Marcial Taldo at Maan Gale Bustalino.

Si Taldo ay ang driver ni Gabriela Partylist Rep. Luzviminda Ilagan, na kasama sa mga sugatan sa pagsabog. Si Bustalino naman samantala, ay isa sa mga staff ng sugatan ring Kongresistang si Pryde Henry Teves ng Negros Oriental.

Agad umani ng pagkundena ang malagim na pagsabog di lamang dito sa Pilipinas, kundi maging sa labas ng bansa. Umalingawngaw ang mga pagdududa at agam-agam na ang pambobomba sa Batasan ay isa lamang pakana ng gubyerno para pagtakpan ang matinding krisis pampulitika na bumabalot ngayon sa administrasyong Arroyo. Hindi maiwasan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na paghinalaan ang tayming ng pagsabog. Anila, ang insidente ay naganap ilang oras bago ang pagdinig sa Senado hinggil sa alegasyon ng pamumudmod ng pera ng Malacanang sa mga lokal na upisyal at sa pagdinig sa Kongreso sa kasong impeachment laban sa Pangulo. Nanawagan ang BAYAN ng patas at malalimang imbestigasyon sa pagsabog kasabay ng babala na huwag sanang maulit ang moro-morong imbestigasyong ala-Glorieta.

Binalaan naman ng grupong Migrante International, ang pinakamalaking alyansa ng mga samahan ng mga Pilipinong nasa ibayong dagat, ang pamahalaang Arroyo na huwag isangkalan ang pagsabog para bigyang matuwid ang pagpapataw ng mas malulupit pang mga patakaran, lalung lalo na ang Batas Militar. Nanawagan rin ang grupo para sa hustisya sa lahat ng mga inosenteng buhay na nadamay.

Hindi binili ng Migrante ang inilalakong teorya ng Kapulisan na ang target ng pagsabog ay walang iba kungdi si Rep. Akbar. Sabi Connie Bragas Regalado, Tagapangulo ng Migrante, ‘premature’ ang konklusyon na ito gayong atubili pa rin ang Pulisya na tingnan ang iba pang mga anggulo. Idinagdag pa niyang marahil ay isa lamang itong ‘diversionary tactic’ para ilihis ang opinyong publiko sa tunay na mga salarin.

Samantala, tinuran naman ng grupong pang-kababaihang National Alliance of Philippine Women in Canada (NAPWC) na ang pagsabog ay nagpapatotoo lamang sa kronikong krisis pampulitika sa bansa na pinalalala pa ng kasalukuyang administrasyon.

“We stand side-by-side with Gabriela Women’s Party and the movement in the Philippines, and will not allow actions such as this, to intimidate nor deter us in the struggle for Filipino women’s liberation and the liberation of the Filipino people!” sabi ng NAPWC sa isang pahayag.

Nagsagawa naman ng sabay-sabay na candlelight vigils ang mga kababayan natin sa apat na siyudad sa kalakhan ng Estados Unidos para kundenahin ang pambobomba sa Batasan. Sa pangunguna ng BAYAN-USA, ang aksyon ay pangunahing nanawagan para sa independyenteng imbestigasyon sa nasabing pagsabog.

“The recent Batasan bombing is the latest chapter in Malacanang’s larger scheme to justify full-implementation of Martial Law. US-based Filipinos played a big role in condemning Marcos during the dictatorship. Filipino-Americans of today will show the same conviction against GMA’s administration,” wika ni Bernadette Ellorin, Secretary General ng BAYAN USA.

Sa Estados Unidos pa rin, kinastigo ng National Alliance for Filipino Concerns (NAFCON) ang anila’y tila sinasadyang paglikha ng gubyernong Arroyo ng kundisyon para ligaligin ang bansa.

Ayon kay Rico Foz ng NAFCON, ang pagsabog sa Batasan ay isa lamang sa serye ng mga pambobomba at pagpatay na naganap kamakailan sa National Capital Region. Tinuntun niya ang mga pangyayaring pagsabog rin sa Glorietta Mall sa Ayala na kumitil ng 11 katao, ang pag-ambus kay COMELEC Legal Chief Atty. Alioden Dalaig, ang misteryosong vehicular accident ng lider ng oposisyon na si Rene Saguisag na ikinamatay ng asawa niyang si Dulce, ang misteryosong car accident rin ni Anakpawis Rep. Crispin Beltran, at ang mga death threats sa ilang miyembro ng oposisyon sa Senado at Kamara, kasama na si Speaker Jose de Venecia.

“If these are the means by which the survival of the Arroyo presidency could be secured, then there is all the more reason for the Filipino-American community in the United States to once again be united and act as one in resisting attempts to sow a reign of terror in the Philippines leading to the declaration of another martial law. As we have done so against the Marcos dictatorship of the 1970s-1980s, we cannot be cowed into submitting to another authoritarian rule” deklarasyon ni Foz.

Ayon sa Migrante International, pinatutunayan lamang ng mga pagkilos na ito ng ating mga kababayan na hindi napuputol ang kanilang pagmamahal at pag-aalala sa bayang pinagmulan, sa kanilang paglisan para kumayod sa ibayong dagat. “Nananatili silang mapagbantay sa anumang banta sa demokratiko at mapayapang pamumuhay ng kanilang mga kaanak at mga mahal sa buhay dito sa Pilipinas” sabi ni Maita Santiago, Secretary General ng Migrante.

Pagtatapos pa niya: “Dinig na dinig nila ang dagundong ng pagsabog sa Batasan. Hindi sila bingi o nagbibingi-bingihan, kasama natin sila sa laban para sa katotohanan at katarungan.”

Leave a comment

No comments yet.

Comments RSS TrackBack Identifier URI

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s